Lagimlim

Nang may magawa ang mga bitwin

Buwan ng mga Akdang Pinoy 18: “To the Evening Star” ni Simeon Dumdum Jr.

20160812_155430
Sa pagbabasa ng “To the Evening Star” ni Simeon Dumdum Jr., tatlong bagay ang aking namalas: Una, na hindi ito isang koleksiyong tematiko (kumpara sa mga una kong binasa rito’t binigyan ng pagsusuri); bagkus ay pagsasama-sama ito ng mga tula ng makata mula sa iba’t ibang karanasan at bahagi ng kaniyang buhay. Ikalawa, bagaman wala ngang tema o motif na nagbibigkis sa mga tula rito, solido’t puro ang poetic voice ni Dumdum; may panaka-naka siyang pagpapamalas ng husay sa tradisyunal na panulaan (tulad ng soneto’t villanelle); lirikal ang tinig ngunit hindi nahuhulog sa patibong ng labis-labis na lirisismo dahil hindi niya hinahayaang mapalabo ng salita ang talinghaga. Kaya ikatlo, makikita natin kung paanong si Dumdum ay isang maestro ng pananalinghaga sa mga pinakamaliliit na bagay at pinakapayak na karanasan. Higit sa kaniyang kakayahang poetika, ang kaniyang galing sa pagbabanyuhay ng ordinaryong mga tagpo sa panibagong karanasan ang pinakanakabibilib sa librong ito. Isang sipi mula sa “A View of the Ormoc Pier from the Hotel Don Felipe”:

“But when the herons flew across my vision,
Again I saw it, a fleck on the screen,
And I thought the birds had marooned one of their own.
On closer look it turned out to be just
A droplet of water […]
I just found it amazing that a thing
Small as a tear could hold so vast an ocean.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 17: “Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta” ni Alwynn Javier

20160815_100500

Iisang tinig lamang halos ang mga tula ni Alwynn Javier sa “Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta”, at ito ang tinig ng isang taong nabubuhay sa gitna ng iba’t ibang magkakatunggaling puwersang nagpapainog sa kaniya—ang pangingibang-bansa at ang pananatili sa sariling lalawigan, ng pandadayuhan laban sa pagkamakabayan, pangungulila laban sa pagsasakripisyo, kasaysayan at kasalukuyan, alaala at karanasan, katarungan at makamundong pangangailangan, mali at tama, o sa mga salita niya mismo: “pagsisilbi o pag-ibig.” Wari’y hindi naman namimili sa pagitan ng dalawa ang makata sa kaniyang mga tula. Bagkus, isinisiwalat niya ang isang personang hinuhubog at binabago ng ganitong mga pagdanas sa pagiging nasa “pagitan”—tunay sa pagiging isang makatang namamagitan sa salita’t karanasan—at ang nakukuha natin ay isang koleksiyong kumikinang sa malinaw na panulaan at malalim na pananalinghaga nang hindi nakokompromiso ang bigat ng kaisipan sa mistulang gaan at dulas ng kaniyang panitik. Isang sipi mula sa “Ang Halsema Highway ni Bigornia”:

“Hinahamon kita, dakilang makata:
kailangang-kailangang magbalik ka,
sirain itong buong langit ng ebidensya, kung bakit
lubhang inibig at biglang nilisan mo itong kalsada
at muli, muli akong mananampalataya.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 16: “The Proxy Eros” ni Mookie Katigbak

20160815_104328

Ikinakahon na ng “The Proxy Eros” ni Mookie Katigbak ang proyekto ng buong libro sa pamagat pa lang: proxy na nangangahulugang pamalit o panghalili (nang may pagkilala, siyempre, na ang panghalili ay katumbas ngunit hindi katulad ng hinahalinhan), at eros bilang isang uri ng pagmamahal—pagnanasa, marahil. Bawat tula’y pagpapaigting lamang nitong mga pagnanais ng persona na ipanghalili sa pag-ibig ang anumang maaabot ng kaniyang tinig. Ngunit hindi lang kulong ang bawat tula sa sari-sarili nilang mga daigdig. Binibigkis sila ng lirikal na atake ni Katigbak sa wika, ng kaniyang matalas na atensyon sa tunog (pakinggan: “At the end of season, my heart grinds / the difficult into what can be made plain / —first the mind, then the pain—/ I crank up the levers, the pulleys, the weights, // And then with what speed do I strip away / snow, unlearn seasons, flowers’ names—“) at pagtingin sa detalye. Dahil sa katatagan at kaisahan ng panulaan ng makata, nagmimistulang meta-poetika ang “proxy eros”—ang mga tula sa koleksiyon bilang panghalili sa ating mga maliliit at udlot na pag-ibig, hindi man ganap ngunit sa ngayo’y sumasapat na. Isang sipi mula sa tulang “The Proxy Eros”:

“You might as well know nothing is free of you.
When I herd these tribes and fashion cities
With my words, you are what’s missing.
If it’s true that we move from one exhaustion
To another, you are the tenor and the vehicle
Of all I cannot name in the things I do:
Gray mist of cities, scent of ambrosia and bergamot,
Each stone I overturn, these are not you.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 15: “Loob” ni Joseph de Luna Saguid

20160815_100358

Isang laro ng taguan ang sinisimulan sa pagbubukas ng “Loob” ni Joseph de Luna Saguid. Ang lungsod ang lunan ng laro, at walang pagkakakilanlan ang ating mga kalaban. Habang unti-unting lumalapit ang bilang sa kaniyang kahuli-hulihan, kumakaluskos ang kabilang dingding ng marahil pasakit o ginhawa, may balita ng akyat-bahay, bumabalik ang alaala ng pagkabata, at may mga paa’t kalansing ng susing hindi natin masiguro kung papalayo o papalapit. Masusi rito ang paggamit ni Saguid sa isang banda ng pragmentaryong anyo upang ipadama ang kalikutan ng isang isipang lango sa paranoia, at sa kabilang banda, ang paggamit ng kontemporanyong media upang ikahon ang paranoia bilang narito’t ngayon, at sa gayon ay totoo. Panaka-nakang nahahanap sa aklat ang seguridad sa anyo ng mga kandado, sa masasayang alaala, sa konsepto ng tahanan at pamilya, ngunit sa dulo ng libro, bumabalik ang bilang sa isa. Waring pati itong mga pinanghahawakan nati’y walang takas sa mabangis na laro. Isang sipi: 

“Kabilin-bilinan ng mga magulang ko na kapag may nangholdap sa akin, huwag akong lumaban. Ibigay ko na lang daw ang wallet at cellphone ko. Hindi ko pa rin tiyak ang maaari kong gawin sakaling magising sa piling ng magnanakaw. Magkukunwari ba akong tulog o makikipag-agawan ng baril, kutsilyo, o ice pick para hindi matangay ang mga gamit na pinaghirapan kong bilhin at ipunin? Alagaan mo ang sarili mo, sirang plaka na ang nanay ko sa kabilang linya ng telepono. You can make the difference: musika, minsan hindi, ang pitik pitik pitik ng mga kandado.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 14: “The Highest Hiding Place” ni Lawrence Lacambra Ypil

20160808_070401.jpg

Sa pabalat ng “The Highest Hiding Place” ni Lawrence Lacambra Ypil ay may larawan ng isang wallpaper na bulaklakin. Sa gitna ng malaking bulaklak ay may malaking pilas, ibinubunyag nang bahagya ang pader sa likod nito. Sentral ang imaheng ito bilang talinghaga ng pinakaubod ng tunggalian ng pangunahing tinig sa mga tula, na sa isang banda, nariyan ang pagnanais na magpakita ng mukha ng pagkakaroon ng isang “perpektong” buhay—mapapamilya man (“The Discovery of Landscape”, “Porch”) o personal (“At the Piano”, “At the Ballet Rehearsal”) at ang pagkilala rin ng pagkukunwari bilang mahalaga. Ngunit sa kabilang banda naman, nariyan ang pangangailangan ng persona na makalaya sa ganitong mga pagkukunwari, ang pilasin ang pabalat ng kaniyang buhay upang maibunyag ang sarili bilang tao, problematiko ngunit malaya at totoo. Iniiwasan ni Ypil ang pagiging mapagpalayaw sa kaniyang pagbubunyag bagaman personal ang ilan sa mga tula. Hindi lang ito basta melodramatikong pag-amin. Masusi pa rin ang maingat na paghawak niya sa wika, ang pagputol ng mga linya, ang paggamit ng tunog, at ang pagsusunod-sunod ng mga tula, na sa pagdating ng ikalawa sa huling tula—ang “Five Fragments: A Confession”, na tahasang kumakaharap sa karanasang bakla—parang binibigyan tayo ng panibagong pagtingin sa mga naunang tula, na matapos mo matapos ang libro, babalik ka sa umpisa, harinawa’y may sariwang pagtingin sa mundo. Isang sipi mula sa “Garden”:

“And it is so easy to pretend we had a world
of choice. A green, easy tending.
The orchids tenaciously
cling to their dark barks.

We talked straight into evening,
straight into each tangled tendril
angled against dark, into dark.
If we could only hold the edgeless
into place. Night and its reckless weeds.
The light was not ours to give.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 13: “At sa Tahanan ng Alabok” ni Louie Jon Sanchez

20160801_103455

Simula pa’y isa nang suliranin maging sa panitikan ang pagsasaysay at pagsasalaysay ng karanasang banal alinsabay sa pantao. Kinakaharap muli ni Louie Jon Sanchez sa kaniyang librong “At sa Tahanan ng Alabok” ang ganitong engkuwentro sa pagitan ng sagrado’t makamundo. At waring isang kondisyon na ng ganitong klaseng paksa, mahahaba ang mga tula rito, hindi tipid sa pananalita. Mistulang sinasamantala ni Sanchez ang potensyal ng wika upang maiuwi ang lahat sa paraang maiintindihan ng ating alabok na pag-iral. Ngunit, at kinikilala ito ng makata sa huling tula (na aking sinipi sa ibaba), may kabiguan ang ganitong proyekto, dahil matapos masabi ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi pa rin masasabi. Isang sipi mula sa “Kuwento ng Monghe”:

“Dumaan ang maraming taon
Bago ko naunawaan ang kaniyang
Pakikiniig sa bato: Hindi
Pinahihintulutang mabunyag
Ang pinakaiingatan at sagrado.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 12: “Narcissus” ni Mark Anthony Cayanan

20160808_070308

Ang panunula tungkol sa sarili, katulad na lamang ng pananalamin, ay may malaking tendensiya maging isang ehersisyo sa solipsismo. Tulad ni Narcissus sa mitolohiyang Griyego, malaki ang panganib ng pagkalunod sa sariling imahen kung hindi magiging maingat. Iniiwasan ni Mark Anthony Cayanan sa kaniyang koleksiyong “Narcissus” ang ganitong panganib ng mga tulang nakatuon sa “sarili” bilang paksa sa pagtrato rin sa “sarili” bilang obheto ng imbestigasyon. Repleksibo ang mga tula niya, ngunit hindi lang sa replektibong pamamaraan na laganap sa maraming tula’t makata ngayon. Bagkus, kinukuwestiyon ni Cayanan ang “ako” bilang tagapagsalita, bilang pagkakakilanlan, bilang makata na ating pinapakinggan. Ang “ako” na nagsusuot ng maraming katauhan (Garbo, Roces, hangin, salamin), ang “ako” relatibo sa kaniyang espasyo, panahon, relasyon, katawan, kasarian, at kung paanong nasasabing ako ako sa mukha ng pagbabago’t kawalang-lugar. Litaw ito lalo na sa ikatlong bahagi, sa “Placelessness” kung saan napababalikwas ang ako bilang nagbabasa (na sinusuot ang “ako” ng makata) sa kawalang-konteksto ng mga tula, at sa gayo’y hinihikayat ang mga mambabasa na hanapin ang sariling “ako” na hindi nabubuwag, hindi natutumba. Higit sa salamin ng makata itong mga tula, nagiging salamin din siya kung gayon ng sinumang mangangahas na tumingin sa libro at magtangkang hanapin ang sarili rito. Isang sipi mula sa isa sa maraming pinamagatang “Placelessness”:

“Then it occurs to the I how limiting it is
to be confined as someone specific, bound
to one’s space. Ergo I am not and therefore no longer
stand or sulk or sob in the middle of New York,
Cubao. Consider, however, how verbs are more
accessible, universal, so the I relents, lets them
remain solid. But let Nouns become nouns,
let pronouns swish from he to she to you,
                                   let all these be conduits of depth.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 11: “Ang Nalalabi Rito” ni Nikka Osorio

20160808_070317

Sa mga tula ni Nikka Osorio sa “Ang Nalalabi Rito”, hinaharap ng makata ang eksistensyal na krisis ukol sa layunin—o masasabing “telos”, marahil—ng paglikha ng sining. Ano ang nais nating makamit sa paggawa ng pinta, pelikula, o kahit ng tula? Ano ang nais mahuli? Damdamin? Kagandahan? Nakakuwadrong imortalidad? Para kay Osorio, hindi naman natatapos ang isang obra. Sa gayon, sabay din niyang kinikilala na dahil walang-hanggan ang proseso ng paglikha, bahagi ng sining ng pagsisining ang pagpapaubaya. Mula sa mga tulang pinamagatan niyang “Di Tapos na Obra”, hanggang sa paghalaw niya ng mga alinsunurang tula mula sa iba pang sining tulad nina Picasso at Kosinski, pinalulubag ng mga tulang ito ang pinakamalalim na takot na bumabagabag sa mga pintor at makata sa loob ng bawat isa: Hindi man natatapos ang sining na ginawa, ang nalalabi rito matapos nating mawala ang magpapatuloy ng ating nilikha. Isang sipi mula sa “Imahen”:

“At sa dami ng hindi masasabi,
inaasahan kita.

Lagi, naghaharap tayo:
kapuwa tahimik bagaman puno
ng kahulugan ang sadyang makita ka.”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 10: “Dark Hours” ni Conchitina Cruz

20160804_065234

Gumuguho sa “Dark Hours” ni Conchitina Cruz ang mga hanggahan ng lungsod bilang pampublikong lugar at ng mga lunang itinuturing na sagrado’t pribado. Sa paggamit ng imahen ng katawan (“What is it about tenderness”, “Return”), pamilya (“Tourist”, “Tremble”) at pantahanang espasyo (“I must say this about the city”, “Elegy”)—itong mga matalik na bahagi ng ating buhay—upang talinghagaan ang lungsod, binubuo ni Cruz ang pakiramdam ng papalapit (o marahil narito nang) kapahamakan sa mambabasa, nakakabagabag dahil pamilyar. Mapanlinlang ang mistulang antiseptikong kapayakan ng kaniyang panulaan; sa paggamit ng tuwiran, sabay niyang naitatago at nailalantad ang takot (marahil paranoia, marahil trauma) na kaniyang nadarama sa bawat sulok ng ginagalawan niyang lungsod, sumusuot sa kamalayan lalo na sa tuwing lumalambong ang pinakamadilim na oras. Sa isang banda, kinikilala ng makata ang siyudad bilang lunan ng kapahamakan na nagbabantang manghimasok sa kaniyang pribadong buhay at burahin ang natitirang katiwasayan ng kaniyang katauhan, katinuan, at ugnayan niya sa mga minamahal. Ngunit pagdating ng huling tula, pinapakita ng makata na wala lang sa siyudad ang panganib, kundi bahagi na ng kondisyon ng ating pag-iral, at sa ayaw nati’t sa ayaw, kailangan nating matutong mamuhay sa gitna ng panganib na ito. Narito ang tulang “Morning” mula sa koleksyon:

“You never know when somebody will walk away from you on a bright day on a bust street, never looking back and

you cannot believe the slow disappearance, cannot believe what is moving away from your reach until the busy street no longer needs its presence to look the same, because it is the same.

And the city offers you its fruits and fish, and the churchgoers lift their veils as they step out into the open

and you know the picture is incomplete but it can stand for itself

and who are you to ask for more, who are you to insist on hunger?”

Buwan ng mga Akdang Pinoy 9: “Onyx” ni Romulo P. Baquiran Jr.

20160808_070334

Sa larangan ng heolohiya, nabubuo ang mga bato’t mineral sa pagtatagisan ng mga elemento sa kaniyang paligid. May matinding kaguluhan at karahasan sa una ang anumang proseso ng pagbabago, ngunit sa dulo’y lalabas ang kintab at kinis ng isang nagbanyuhay na bato. Ito rin ang ubod ng panulaan ni Romulo P. Baquiran Jr. sa kaniyang koleksiyong “Onyx”, kung saan ipinamamalas ng makata ang talas niya sa pagmalas at pagpapalabas ng kumikinang niyang mga talinghaga sa kaibuturan ng dumi’t dahas ng daigdig—mula sa kabundukan ng Cordillera hanggang sa lawang pinamumuhayan ng tilapia. Malinaw ang retorika ng makata sa paghahatid sa mga mambabasa tungo sa kaliwanagan, waring iniimbitahan din tayo na buksan ang mga mata’t silayan ang talinghagang nakabaon sa bawat bagay na umiiral, gaano man ito kagulo o karahas. Narito ang sipi mula sa “Paghanap sa Onyx” na siyang pinakaunang tula sa aklat, kapwa pinaghalawan ng pamagat at siya ring bumubuod sa kabuuan ng koleksiyon:

“Huwag, kaibigan, huwag tayong maging manhid
Sa tulad niyang ayaw nang tumingala sa buwan
at magpalipad ng diwang makahuhugis sa banal.
Pag nagkagayon, itinakwil na rin ang onyx na mahal.”