Lagimlim

Nang may magawa ang mga bitwin

Category: Filipino

Hibakujumoku

“Hibakujumoku (also called survivor tree or A-bombed tree in English) is a Japanese term for a tree that survived the atomic bombing of Hiroshima in 1945.”

Huwag akalaing ang aming pagtubo’y
Isang talinghaga ng inyong pag-asa
Na lumalago rin sa sugatang puso’t
Nagpapakatayog sa gitna ng dusa.
Pagmasdan sa halip ang aming katawang
Ginahis ng bomba’t hinagkis ng init—
Nagdilig sa ami’y abo’t karahasan;
Ang pataba nami’y ang apoy ng galit.
Tingnan kami, tao, at inyong tantuing
Di kami pag-asa; kami’y pagkalipol,
Kami nga ang bunga ng diwang malagim,
Inihasik ninyo’t ngayo’y sumisibol

At sisibol kami’t kami’y maiiwan
Hanggang sa dumating ang bagong digmaan.

*

Isang soneto bilang paggunita sa mga pangyayari sa Hiroshima at Nagasaki.

“Sa Paghihintay”, Charles Bonoan Tuvilla

“Who looks outside, dreams.
Who looks inside, awakens.”
— Carl Jung

Bumabangon nang muli ang mga upuan.
Gaya ng mga tuyong dahon ng ipil, nagkalat
ang mga turista, akbay ang kayumanggi nilang

nobya. Binubulabog na ng mga banyagang
tugtugin ang siesta ng alon at bato, habang abala
sa pamimingwit ng suki ang mga waiter, pain

ang serbesa’t bagong-hangong talaba. Dinudungisan
ng mga magkasintahan ang orisonte sa aking tapat,
kanina lamang ay isang bughaw na telon, hitik

sa mga pisngi ng ulap. “Baka gusto ninyong pumasok,
Boss,” mungkahi ng serbidora. “Mukhang uulan.”
Hindi ko ito napansin. Halos apat na oras na rin.

Matagal ko nang hindi nakakasalamuha ang tabing-
dagat. Lalo pa’t walang buhangin dito: plastik
at kongkreto ang nasa talampakan ng breakwater.

Kinakalawang ang hanggahan, ang sampayan
ng mga di-matuyong agam-agam. Isa-isang hinila
ng guwardiya ang ilang upuan, pagsang-ayon sa hinagpis

ng hangin. Apat na oras. At nang rumagasa na nga
ang mga supling ng maghapong pagtitimpi ng ulap,
niyakag nila ang mga tao tungo sa mga gawa-gawang

bubong ng paligid; mga daliri ng niyog, ang braso
ng poste, ang mga di-inaasahang silong sa mga biglaang
dalaw ng ulan. May nagbukas ng payong, naglunsad sa karera

ng sanlibong alabok. Ilan na ba silang naligaw lamang
sa gubat ng ambon? “Pasok na, Boss,” himok ng guwardiyang
nakakapote ng itim. “Matagal pa ’yan.” Sa loob,

pagkapikit ng pinto, parang tumila na sa labas: kita
ang pagdadalamhati, ngunit hindi marinig ang paghikbi.
Maraming nakiramay, silang nakasilong, nagluluksa

sa walang-tilang ulan, tila naghihintay na lumampas ang karo
ng di-kilalang bangkay. Maya-maya, ang paghuhukay
ng takipsilim; Maya-maya, ang libing ng maraming hindi-pagdating.

(Mula sa Sa Ilalim ng Pilik, Librong LIRA, 2015)

Sa Ating Paglakad

“At kung ang isang lalake ay sumiping sa kapuwa lalake, na gaya ng pagsiping sa babae, ay kapuwa sila nagkasala ng karumaldumal: sila’y papatayin na walang pagsala: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.” — Leviticus 20:13

Nang ating nilakad ang kantong makitid
Habang sa bisig ko, ika’y nakakapit,
May mumunting batong sa ati’y pumatid
Na aking inusog patungo sa gilid.

Nang nakalabas na’t lumuwang sa wakas
Ang nilalakaran, sa ati’y tumambad:
Tinging matatalim, tinging nanunumbat
Sa pagsinta nating mali raw at huwad.

Kahit sa malayo, ramdam sa katawan,
Mga mata nilang binalot ng suklam,
Wari’y mga batong pinakakawalan
At ibinabaon sa ating kalamnan.

Nakita marahil na ako’y nangamba
Sa ipinupukol ng sanlaksang mata.
Pagkapit sa aki’y hinigpitan mo pa:
“Tayo’y umiibig. Ba’t mag-aalala?”

At naramdaman ko ang iyong pagtitig:
Matang sumisisid sa pusod ng galit.
At tila ba batong hinagis sa tubig,
Naglaho ang takot sa iyong pag-ibig.

*

I’ve been trying to write Filipino poems with acceptable rhymes and meters (all part of an assignment in this workshop I’m part of). This poem is not one of those assignments, but a prompt I’ve been wanting to write for a long time; and for some reason, I felt that the form caters to the sentiment.

Yapak sa Galera, Alwynn Javier

Marami na akong eksena ng kalasingan, subalit wala pa ring tatalo sa ginawa kong pagbati sa sarili noong ipagdiwang ang ika-29 na kaarawan. Tangan ang camera phone, kinuhanan ko ng video ang sarili sa terasa ng resort habang kumakanta ng “happy birthday to me, happy birthday to me, happy birthday, happy birthday, happy birthday to me” sabay tungga ng Happy Horse kahit mapungay na ang mata.

Nahuli rin ng camera ng kaopisina ang sumunod kong ginawang pagwawala sa videoke kasama ang mga Mangyan—kung paano ko hinimay hanggang buntot ang mga kanta nina Martin at Gary V., hanggang pumiyok sa pamatay na nota ng Reachin’ Out, yung “I’m completely sure, I’ve never felt this way before.” Pagkatapos ng kahihiyan, buong pang-uuto nila akong pinalakpakan sabay kantyaw na mag-order ako ng isang case ng SanMig Light na di pa raw nila natitikman.

Kinaumagahan, naghanap ako ng masahista sa beach at nagpabugbog sa langis ng niyog, pati latik, sa buong katawan. Tahimik kong inenjoy ang pagsipat sa akin ng mga paisa-isang pa-girl na bading, o kayâ ay machong bading na di-hamak na maganda ang katawan sa akin. Naalala ko ang naghihintay kong kasintahan sa Maynila, at pinaalalahanan ang sariling tapós na ako sa paglolokó, sabay drama sa mga binuo at napabayaang plano.

Maanong magsentimyento-de-patatas ako at ipangalandakan kung paanong pagkatapos noon, tumindig ako sa ibabaw ng bato sa dulo ng dalampasigan at hubo’t hubad na nagsisigaw: “I’m the king of the world!”, “There is no God!”, “Magbabago na ako!”, at “Pakingshet kayong lahat!”? Paano kung may nakarinig sa akin? Paano kung walang nakarinig sa akin?

(mula sa Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta, Ateneo de Manila University Press)

Sangandaan, Mikael de Lara Co

Huwag muna nating pag-usapan ang kasalanan,
huwag munang bilangin ang mga pagkukulang,
ang kaban-kabang utang natin sa mundo.

Masdan sa halip ang pagsiksik ng araw
sa sinapupunan ng isang kutsara, pakinggan,
sa likod ng kalangitan, ang paghuni

ng mga anghel. Sino ba tayo upang makaintindi?
Nagsisiwalat ng lihim ang lupa
ngunit mas hilig yata nating pumikit

at kupkupin ang sari-sarili
nating mga pagdurusa. Sakaling magsawa ka
sa pagsisisi, ibulong mo lamang ang pangalan

ng kapalaran. Sakaling hindi mo ito alam,
ipagpatuloy mo na lamang ang pagsisisi. O di kaya
umupo sa mga ugat ng nag-iisang puno

sa iyong bakuran, at humaraya: Sa isang madilim na silid
natutulog ang isang dalaga. Biniyak mo ang kanyang puso,
dati, sa isang panaginip. Maaaring hindi

mo na siya naaalala. Maaaring hindi ka na niya naaalala.
Maaaring tanghali na ngunit nakapinid pa rin ang bintana.
Kung papasok ka sa silid, makita mo kaya

ang kanyang blusang nakalambong sa gasera?
Mapabulong ka kaya, ikaw? At nasabi ko na bang
kagabi, inilapat ng dalaga ang kaniyang palad

sa aking pisngi at sinabing, Patawad,
mayroon lamang akong naalala.
Nang tanungin ko siya kung ano ito,

ngumiti lamang siya at bumulong: Wala
kang dapat ikabahala.
Narito tayo ngayon, hindi ba?

 

Apokalipsis

Umulan kagabi, at wala ni isang nakaalam
kung saan na umaawit ang mga palakang
madalas humuhuni ng pag-uwi palayo sa konkretong
hinahaplos ng liwanag ng buwan sa tuwing pagdilim
na parang hinehele ang lungsod pabalik sa pananaginip.
Ngunit wala ring gising sa likod ng mga bintana’t pinto,
walang buhay na kamay na sana’y magpipinid dito,
kaya nakapasok ang tubig, nahimlay sa sahig,
nanatili roon sa loob ng mga patay na silid
at hindi na kailanman bumalik sa pinaghulugang langit.

Sky Burial

Sa ibang buhay, nais kong mamatay
sa piling ng mga taong inililibing
ang mga pumanaw hindi sa paglilibing,
kundi pagsuko ng katawan sa mga bisig
ng bundok, sa hininga ng mga puno’t
bibig ng buwitre, sa walang-hanggang
kalinga ng damo at bendisyon ng hamog
sa bawat araw na nakatunghay ang katawan
sa hapag ng himpapawid habang nanghihinain
ang lahat ng nilikom na gutom ng daigdig
sa lamáng nahihimbing, habang bilang lamán,
iniaalay ko ang sarili ko dito sa proseso
ng patuloy na pagbabago, at di man malay,
itinatawid na ako ng ibang buhay
patungo sa aking panibagong buhay
bilang isa uling tao, buto ng puno, pataba ng lupa
o pagkaing paghuhugutan ng lakas ng ibon
upang makabalik ito sa hangin
at maisuko muli ang sarili sa tiwala ng langit.

 

Thich Quang Duc, Rosmon Tuazon

Baka nahuhuli ka sa balita, pero may mongheng
naligo ng gaas sa may interseksiyon at ngayon ay tangan
ang isang palito. Ngayon ay 1963. Ito ay Saigon.

Kung wala ka rito ay baka nawawala ka,
sa kasukalan, gumaganti ng putok sa mga puno,
o nakatanghod sa bintana ng silid-otel, pinagugulong-

gulong sa daliri ang balang laging bagong-punas, sa isip
ang nalalapit na parada. Habang pilit tinutularan ng liyab
ang posisyong lotus ng kaengkuwentro:

kung ayaw pumalag, alangang apoy,
sabi mo, sakaling isa ka sa mga nasa gilid ng kalsada,
sa hilera ng mga nagwawala’t nagngangangawa

na parang mga trak ng bomberong paikot-ikot lamang
sa lungsod, iniiwasang matunton ang sunog.
Ngunit ano ang matutubos bago matupok

ang isa sa kanila? Dali, may umigib ng kahit santimba
nang maibsan ang lapnos ng apoy, nagsusumamo,
tinutusta ang tainga ng monghe sa bawat bulong nito.

Kung wala ka rito, baka ika’y paroo’t parito
sa iyong opisina, hinihilo ang silyang hindi mo maipaubaya.
Na parang sisilaban ka anumang sandali ngayon,

niririndi ng tili ng punglo na tila sa isang puntirya lamang
posibleng dumapo. Pero huwag kang mabahala
sa ngayon. Walang apoy, walang monghe, wala ka roon

sa umpisa pa lamang. Ngunit may bunton ng uling
na waring nakaposisyong lotus sa may interseksiyon.
Ito ay Saigon. Ngayon ay 1963. Malamang buhay ka pa.

Naghagis Ako ng Barya at Naalala Kita

Hindi raw pantay ang tsansa ng paglabas ng tao at ibon
kapag inihagis mo ang barya sa ere at bumagsak ito
sa lupa. Laging mas mataas ang nakaharap sa iyo
ng isang porsyento. Kung ganoon ang kaso, baka
maaaring paglaruan ang tadhana, pilipitin ang braso
ng posibilidad at hingin mula rito ang gusto ko.
Ang gusto ko ay isang uniberso kung saan narito ka pa rin
sa aking kuwarto, inaayos ang gusto ng aking kobre-kama.
Baka sa isang uniberso, mas mapagpatawad ka, mas mabait
ang mundo sa isang makasalanang tulad ko. Baka doon,
mas marunong akong magmahal, nanalo tayo laban
sa mga Kastila, naging presidente si Fernando Poe,
buhay pa rin ang mga taong napatay ng terorismo
o naging sakripisyo dito sa walang-hanggang giyera
laban sa pinakamalalim nating takot. Baka doon, malaman ko
kung saan ako nagkamali, may siyensiya na para sa pag-ibig
at pagpapatawad, at mababasa ko sa libro ng aking kapatid
at hinihinging lunas para sa nagbabagang sugat sa puso,
may sagot sa haypotesis na hinihilom din ng panahon
ang lahat ng ating sakit. Baka doon, kumalansing itong barya
sa isang mukhang aking inaasahan, at hindi ko na naisulat
itong tula, dahil kasama pa kita, at hindi ako nagkasala.

*

FB Creative Challenge prompt: kung or uncertainty. I think I equated it with probability, so there you go. If it kind of sounds the same as Sa Iba’t Ibang Katapusan ng Mundo…, that’s because both of them take their inspiration from one certain poem by Bob Hicok, a favorite of mine.

Sa Iba’t Ibang Katapusan ng Mundo, Mahal Pa Rin Kita

Maaari akong mamatay bukas-makalawa.
Kung ganoon man, hayaan mo akong mahalin ka
katulad ng sa mga nagdaang panahon: walang pangamba.
Habang natutulog ka dito, may nabubuo na namang bagyo
sa malayong dako nitong karagatang Pasipiko, may biyak dito
sa lupang tinutulaan ko ngayon na nagbabadyang
maghiwalay, at ilang kilometro mula dito, humihilik
ang bulkang nagbabantang magising, at sinong nagsasabing
itong tinatawag nating tayo ay panghabang-buhay?
Pinanonood kita ngayong nahihimbing, pinalalawak ng
iyong paghinga ang iyong dibdib. Ayon sa ilang dalubhasa,
patuloy pa rin ang paglawak ng ating uniberso.
Ibig sabihin, inilalayo nito tayo sa bawat mong paghawak,
paghinga, paghaplos sa aking mukha’t paghalik nang matindi.
May ilang bilyong taon pa bago tuluyang mapagod
ang ating araw sa pagsunog sa kaniyang sarili,
at mas marami pa ang mga bituin sa langit kaysa
buhangin sa mundo na balang araw, kung hindi mamaya,
ay pupulbos sa ating katawan. At kung sa isang daigdig
na hindi dito’y totoo ang kabaliktaran ng lahat ng ito,
kung biglang tumigil ang kalawakan sa paglawak, gumuho
pabalik sa atin, sa sentro nitong ating libo-libong pagkakataong
nagtatagpo sa pagitan ng ating kuyom na mga palad, at kung doon,
paulit-ulit at paulit-ulit natin pa ring isinasadiwa itong buhay
sa iba’t ibang panahon at lugar, at kung hindi pa tayo patay
sa mga unibersong ito, ngunit katulad dito ay nagbabadya pa rin
ang kalawakan na tapusin itong moog na tinatawag nating tayo,
masunog tayo sa isang kisap-mata at lamunin
nitong milyun-milyong posibilidad ng paglaho,
pipiliin kong gastahin ang aking nalalabing panahon
sa bawat panahon sa bawat mundo nang katulad dito:
pinagmamasdan ang iyong payapang pagtulog,
di alintana ang panganib nitong huwad na mundo.

*

FB Creative Challenge prompt: kung or if. I do not know if I hit this prompt right in the eye of it (I doubt it), but if it didn’t, I hope it still struck a chord there.