“Sa Paghihintay”, Charles Bonoan Tuvilla

“Who looks outside, dreams.
Who looks inside, awakens.”
— Carl Jung

Bumabangon nang muli ang mga upuan.
Gaya ng mga tuyong dahon ng ipil, nagkalat
ang mga turista, akbay ang kayumanggi nilang

nobya. Binubulabog na ng mga banyagang
tugtugin ang siesta ng alon at bato, habang abala
sa pamimingwit ng suki ang mga waiter, pain

ang serbesa’t bagong-hangong talaba. Dinudungisan
ng mga magkasintahan ang orisonte sa aking tapat,
kanina lamang ay isang bughaw na telon, hitik

sa mga pisngi ng ulap. “Baka gusto ninyong pumasok,
Boss,” mungkahi ng serbidora. “Mukhang uulan.”
Hindi ko ito napansin. Halos apat na oras na rin.

Matagal ko nang hindi nakakasalamuha ang tabing-
dagat. Lalo pa’t walang buhangin dito: plastik
at kongkreto ang nasa talampakan ng breakwater.

Kinakalawang ang hanggahan, ang sampayan
ng mga di-matuyong agam-agam. Isa-isang hinila
ng guwardiya ang ilang upuan, pagsang-ayon sa hinagpis

ng hangin. Apat na oras. At nang rumagasa na nga
ang mga supling ng maghapong pagtitimpi ng ulap,
niyakag nila ang mga tao tungo sa mga gawa-gawang

bubong ng paligid; mga daliri ng niyog, ang braso
ng poste, ang mga di-inaasahang silong sa mga biglaang
dalaw ng ulan. May nagbukas ng payong, naglunsad sa karera

ng sanlibong alabok. Ilan na ba silang naligaw lamang
sa gubat ng ambon? “Pasok na, Boss,” himok ng guwardiyang
nakakapote ng itim. “Matagal pa ’yan.” Sa loob,

pagkapikit ng pinto, parang tumila na sa labas: kita
ang pagdadalamhati, ngunit hindi marinig ang paghikbi.
Maraming nakiramay, silang nakasilong, nagluluksa

sa walang-tilang ulan, tila naghihintay na lumampas ang karo
ng di-kilalang bangkay. Maya-maya, ang paghuhukay
ng takipsilim; Maya-maya, ang libing ng maraming hindi-pagdating.

(Mula sa Sa Ilalim ng Pilik, Librong LIRA, 2015)

Advertisements