Buwan ng mga Akdang Pinoy 23: “Labi” ni Kristian Sendon Cordero

by Abner Dormiendo

20160808_070432

Mistulang nasa mata ng pagguho ang tinig na bumubuhay sa mga tula ni Kristian Sendon Cordero sa kaniyang koleksiyong “Labi”—bulkang nagbabantang sumabog, katawa’t paniniwalang dahan-dahang naaagnas, at mga elementong nasa bingit ng paglipol ng sanlibutan. Ngunit katambal ng mga pagguhong ito ay ang muling paglikha—sa inilura ng bulkan bumubuo ng panibagong buhay,ang katawang nagiging sityong tagpuan ng korporeal at espiritwal ay sinasalat at ginugunita, habang ang mga elemento’y may pangako rin ng pagbuo ng (panibagong) mundo. Itong tagisan ng paglikha at pagwasak ang siyang ubod ng aklat: ang mga “labi” ng ganitong proseso bilang siyang mahahawakan natin sa kaguluhan sa anyo ng parabula, ng relihiyon at mitolohiya, sa katawa’t pananalig na puno ng pilat na ating sinasalat, mga sugat na iniiwan ng marahas na pagbabago ng lunan at panahon. Samakatuwid, pagbabanyuhay, at itong mga tulang ito ay nagsisilbing matitingkad na pruweba ng nalalabing buhay. Isang sipi mula sa “Ilang Kahulugan ng Katiyakan”:

“Patuloy kong hinahanap ang maaaring pagsidlan ng kaluluwa
doon sa yugto at espasyo na ang kaligayahan, ang hapis, ang liwanag
at kaluwalhatian ay nagaganap bilang misteryo at ang Via Crucis
ay kailangang ipagpatuloy nang ipagpatuloy hanggang sa muling bumalik
sa unang estasyon: ang paghugas ng kamay.”

Advertisements