Buwan ng mga Akdang Pinoy 21: “Kung Baga sa Bigas” ni Jose F. Lacaba

by Abner Dormiendo

 

20160815_100432

Kalipunan ng mga piling tula ang “Kung Baga sa Bigas” ni Jose Lacaba, na mismong ang makata ang pumili mula sa tatlong libro’t halos apat na dekada niyang pagsusulat. Bilang koleksiyon/antolohiya, nilalayon nito na ipamalas ang husay ng may-akda sa sining ng panunula. Malinaw at namamalas ito sa isang banda, lalo na sa mga tulang mistulang kanon na para sa mga mag-aaral at mambabasa ng panitikang Filipino (narito ang “Nakatingin sa Bituin”, “Pasyong Mahal ni San Jose”, “Paksiw na Ayungin”, “Ang mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz” ang klasikong “Prometheus Unbound” at ang paborito kong “Lahat ng Hindi Ko Kailangang Malaman, Natutunan Ko sa Pelikulang For Adults Only”.) Sa kabilang banda, may mga tula rin ditong maaligasgas ang panitik at pananalinghaga ni Lacaba, madalas ay iniiwan ang malikhaing paghahayag para sa tuwirang pagkakataga. Aminado naman dito si Lacaba, ngunit sa mga panahong magulo ang mabuhay (sa mundo, sa sariling bansa—kung isasaalang-alang din na sa kalagitnaan ng Batas Militar nabuhay ang makata at nasulat ang ilang mga tula), hindi hinihingi ang mabulaklak na pananalinghaga. Sa mga pagkakataong minumulto ang ating kasalukuyan ng karahasan ng nakaraan, at may pangangailangan ng katarungan, ang tanging obligasyon ay ilahad ang katotohanan bilang katotohanan, “walang borloloy at walang palabok.” Narito ang sipi mula sa “Sining ng Pagtula”:

“Kung baga sa bigas,
hindi rin naman mainam sa tula
ang sobrang kiskis at kinis.
Malinamnam ang milagrosa,
pero masustansiya
ang bigas na pula.”

Advertisements