Buwan ng mga Akdang Pinoy 19: “Kuwadro Numero Uno” ni Benilda S. Santos

by Abner Dormiendo

20160815_100407

Kung ang pagkababae ay isang sinag ng liwanag, ang mga tula ni Benilda Santos sa “Kuwadro Numero Uno” ay isang kristal kung saan sinasabahaghari niya ang karanasang ito sa iba’t ibang sangandaan ng panahon, katawan, pagnanasa, mortalidad, pag-iral, kagandahan, at pag-ibig sa marami nitong anyo. Maiging tagapamagitan si Santos ng karanasan at wika: sa isang banda, may katahimikan ang mga tula tulad ng sa isang madunong na pantas; sa kabilang banda, maraming tula sa koleksiyong ito—77 tulang hinahati sa pitong bahagi. Sa madaling salita, bagaman maaaring piliin ng makata ang katahimikan, may litaw na impetus ang mga akda rito: ang pangangailangang isiwalat sa mundo ang isang uri ng pagsasaysay ng karanasan at tradisyon sa lente ng pagkababae, isang kondisyon ng pag-iral na tinatanggap ni Santos sa unang tula pa lang, at sa gayo’y labis na nagpayaman at nagtaas sa kalidad ng mga tula rito. Bukod dito, itong libro rin ang pinakaunang aklat ng tula na binili ko ilang taon na ang nakararaan, at siyang naging inspirasyon ko sa pinakauna kong mga tula, kasama na ang pinakauna kong tulang nalathala sa Heights. Kaya higit sa kaniyang kahusayan, may sentimental na halaga itong libro sa akin. Isang sipi mula sa “Isang Disenyo ng Pag-iral”:

“Hinihingi nito, samakatwid,
na lumaya ang makata—
mawala sa kawalan-ng-salita
ng bundok at hangin
tahakin ang pagi-pagitan
magsa-maya sa nilipad-lipad
sa mga puno ng saging
na isa-isang bebendisyunan
ng piping tuka
upang sa gayon
mapawalan ang mga anitong
kabig-kabig ng nakaraan
at di-abot ng kasalukuyan.

Nang sa gayon
maibalik ang lahat
sa pagkakawing-kawing
ng makapangyarihang panahon.”

Advertisements