Buwan ng mga Akdang Pinoy 17: “Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta” ni Alwynn Javier

by Abner Dormiendo

20160815_100500

Iisang tinig lamang halos ang mga tula ni Alwynn Javier sa “Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta”, at ito ang tinig ng isang taong nabubuhay sa gitna ng iba’t ibang magkakatunggaling puwersang nagpapainog sa kaniya—ang pangingibang-bansa at ang pananatili sa sariling lalawigan, ng pandadayuhan laban sa pagkamakabayan, pangungulila laban sa pagsasakripisyo, kasaysayan at kasalukuyan, alaala at karanasan, katarungan at makamundong pangangailangan, mali at tama, o sa mga salita niya mismo: “pagsisilbi o pag-ibig.” Wari’y hindi naman namimili sa pagitan ng dalawa ang makata sa kaniyang mga tula. Bagkus, isinisiwalat niya ang isang personang hinuhubog at binabago ng ganitong mga pagdanas sa pagiging nasa “pagitan”—tunay sa pagiging isang makatang namamagitan sa salita’t karanasan—at ang nakukuha natin ay isang koleksiyong kumikinang sa malinaw na panulaan at malalim na pananalinghaga nang hindi nakokompromiso ang bigat ng kaisipan sa mistulang gaan at dulas ng kaniyang panitik. Isang sipi mula sa “Ang Halsema Highway ni Bigornia”:

“Hinahamon kita, dakilang makata:
kailangang-kailangang magbalik ka,
sirain itong buong langit ng ebidensya, kung bakit
lubhang inibig at biglang nilisan mo itong kalsada
at muli, muli akong mananampalataya.”

Advertisements