Buwan ng mga Akdang Pinoy 15: “Loob” ni Joseph de Luna Saguid

by Abner Dormiendo

20160815_100358

Isang laro ng taguan ang sinisimulan sa pagbubukas ng “Loob” ni Joseph de Luna Saguid. Ang lungsod ang lunan ng laro, at walang pagkakakilanlan ang ating mga kalaban. Habang unti-unting lumalapit ang bilang sa kaniyang kahuli-hulihan, kumakaluskos ang kabilang dingding ng marahil pasakit o ginhawa, may balita ng akyat-bahay, bumabalik ang alaala ng pagkabata, at may mga paa’t kalansing ng susing hindi natin masiguro kung papalayo o papalapit. Masusi rito ang paggamit ni Saguid sa isang banda ng pragmentaryong anyo upang ipadama ang kalikutan ng isang isipang lango sa paranoia, at sa kabilang banda, ang paggamit ng kontemporanyong media upang ikahon ang paranoia bilang narito’t ngayon, at sa gayon ay totoo. Panaka-nakang nahahanap sa aklat ang seguridad sa anyo ng mga kandado, sa masasayang alaala, sa konsepto ng tahanan at pamilya, ngunit sa dulo ng libro, bumabalik ang bilang sa isa. Waring pati itong mga pinanghahawakan nati’y walang takas sa mabangis na laro. Isang sipi: 

“Kabilin-bilinan ng mga magulang ko na kapag may nangholdap sa akin, huwag akong lumaban. Ibigay ko na lang daw ang wallet at cellphone ko. Hindi ko pa rin tiyak ang maaari kong gawin sakaling magising sa piling ng magnanakaw. Magkukunwari ba akong tulog o makikipag-agawan ng baril, kutsilyo, o ice pick para hindi matangay ang mga gamit na pinaghirapan kong bilhin at ipunin? Alagaan mo ang sarili mo, sirang plaka na ang nanay ko sa kabilang linya ng telepono. You can make the difference: musika, minsan hindi, ang pitik pitik pitik ng mga kandado.”

Advertisements