Buwan ng mga Akdang Pinoy 14: “The Highest Hiding Place” ni Lawrence Lacambra Ypil

by Abner Dormiendo

20160808_070401.jpg

Sa pabalat ng “The Highest Hiding Place” ni Lawrence Lacambra Ypil ay may larawan ng isang wallpaper na bulaklakin. Sa gitna ng malaking bulaklak ay may malaking pilas, ibinubunyag nang bahagya ang pader sa likod nito. Sentral ang imaheng ito bilang talinghaga ng pinakaubod ng tunggalian ng pangunahing tinig sa mga tula, na sa isang banda, nariyan ang pagnanais na magpakita ng mukha ng pagkakaroon ng isang “perpektong” buhay—mapapamilya man (“The Discovery of Landscape”, “Porch”) o personal (“At the Piano”, “At the Ballet Rehearsal”) at ang pagkilala rin ng pagkukunwari bilang mahalaga. Ngunit sa kabilang banda naman, nariyan ang pangangailangan ng persona na makalaya sa ganitong mga pagkukunwari, ang pilasin ang pabalat ng kaniyang buhay upang maibunyag ang sarili bilang tao, problematiko ngunit malaya at totoo. Iniiwasan ni Ypil ang pagiging mapagpalayaw sa kaniyang pagbubunyag bagaman personal ang ilan sa mga tula. Hindi lang ito basta melodramatikong pag-amin. Masusi pa rin ang maingat na paghawak niya sa wika, ang pagputol ng mga linya, ang paggamit ng tunog, at ang pagsusunod-sunod ng mga tula, na sa pagdating ng ikalawa sa huling tula—ang “Five Fragments: A Confession”, na tahasang kumakaharap sa karanasang bakla—parang binibigyan tayo ng panibagong pagtingin sa mga naunang tula, na matapos mo matapos ang libro, babalik ka sa umpisa, harinawa’y may sariwang pagtingin sa mundo. Isang sipi mula sa “Garden”:

“And it is so easy to pretend we had a world
of choice. A green, easy tending.
The orchids tenaciously
cling to their dark barks.

We talked straight into evening,
straight into each tangled tendril
angled against dark, into dark.
If we could only hold the edgeless
into place. Night and its reckless weeds.
The light was not ours to give.”

Advertisements