Buwan ng mga Akdang Pinoy 13: “At sa Tahanan ng Alabok” ni Louie Jon Sanchez

by Abner Dormiendo

20160801_103455

Simula pa’y isa nang suliranin maging sa panitikan ang pagsasaysay at pagsasalaysay ng karanasang banal alinsabay sa pantao. Kinakaharap muli ni Louie Jon Sanchez sa kaniyang librong “At sa Tahanan ng Alabok” ang ganitong engkuwentro sa pagitan ng sagrado’t makamundo. At waring isang kondisyon na ng ganitong klaseng paksa, mahahaba ang mga tula rito, hindi tipid sa pananalita. Mistulang sinasamantala ni Sanchez ang potensyal ng wika upang maiuwi ang lahat sa paraang maiintindihan ng ating alabok na pag-iral. Ngunit, at kinikilala ito ng makata sa huling tula (na aking sinipi sa ibaba), may kabiguan ang ganitong proyekto, dahil matapos masabi ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi pa rin masasabi. Isang sipi mula sa “Kuwento ng Monghe”:

“Dumaan ang maraming taon
Bago ko naunawaan ang kaniyang
Pakikiniig sa bato: Hindi
Pinahihintulutang mabunyag
Ang pinakaiingatan at sagrado.”

Advertisements