Buwan ng mga Akdang Pinoy 12: “Narcissus” ni Mark Anthony Cayanan

by Abner Dormiendo

20160808_070308

Ang panunula tungkol sa sarili, katulad na lamang ng pananalamin, ay may malaking tendensiya maging isang ehersisyo sa solipsismo. Tulad ni Narcissus sa mitolohiyang Griyego, malaki ang panganib ng pagkalunod sa sariling imahen kung hindi magiging maingat. Iniiwasan ni Mark Anthony Cayanan sa kaniyang koleksiyong “Narcissus” ang ganitong panganib ng mga tulang nakatuon sa “sarili” bilang paksa sa pagtrato rin sa “sarili” bilang obheto ng imbestigasyon. Repleksibo ang mga tula niya, ngunit hindi lang sa replektibong pamamaraan na laganap sa maraming tula’t makata ngayon. Bagkus, kinukuwestiyon ni Cayanan ang “ako” bilang tagapagsalita, bilang pagkakakilanlan, bilang makata na ating pinapakinggan. Ang “ako” na nagsusuot ng maraming katauhan (Garbo, Roces, hangin, salamin), ang “ako” relatibo sa kaniyang espasyo, panahon, relasyon, katawan, kasarian, at kung paanong nasasabing ako ako sa mukha ng pagbabago’t kawalang-lugar. Litaw ito lalo na sa ikatlong bahagi, sa “Placelessness” kung saan napababalikwas ang ako bilang nagbabasa (na sinusuot ang “ako” ng makata) sa kawalang-konteksto ng mga tula, at sa gayo’y hinihikayat ang mga mambabasa na hanapin ang sariling “ako” na hindi nabubuwag, hindi natutumba. Higit sa salamin ng makata itong mga tula, nagiging salamin din siya kung gayon ng sinumang mangangahas na tumingin sa libro at magtangkang hanapin ang sarili rito. Isang sipi mula sa isa sa maraming pinamagatang “Placelessness”:

“Then it occurs to the I how limiting it is
to be confined as someone specific, bound
to one’s space. Ergo I am not and therefore no longer
stand or sulk or sob in the middle of New York,
Cubao. Consider, however, how verbs are more
accessible, universal, so the I relents, lets them
remain solid. But let Nouns become nouns,
let pronouns swish from he to she to you,
                                   let all these be conduits of depth.”

Advertisements