Buwan ng mga Akdang Pinoy 9: “Onyx” ni Romulo P. Baquiran Jr.

by Abner Dormiendo

20160808_070334

Sa larangan ng heolohiya, nabubuo ang mga bato’t mineral sa pagtatagisan ng mga elemento sa kaniyang paligid. May matinding kaguluhan at karahasan sa una ang anumang proseso ng pagbabago, ngunit sa dulo’y lalabas ang kintab at kinis ng isang nagbanyuhay na bato. Ito rin ang ubod ng panulaan ni Romulo P. Baquiran Jr. sa kaniyang koleksiyong “Onyx”, kung saan ipinamamalas ng makata ang talas niya sa pagmalas at pagpapalabas ng kumikinang niyang mga talinghaga sa kaibuturan ng dumi’t dahas ng daigdig—mula sa kabundukan ng Cordillera hanggang sa lawang pinamumuhayan ng tilapia. Malinaw ang retorika ng makata sa paghahatid sa mga mambabasa tungo sa kaliwanagan, waring iniimbitahan din tayo na buksan ang mga mata’t silayan ang talinghagang nakabaon sa bawat bagay na umiiral, gaano man ito kagulo o karahas. Narito ang sipi mula sa “Paghanap sa Onyx” na siyang pinakaunang tula sa aklat, kapwa pinaghalawan ng pamagat at siya ring bumubuod sa kabuuan ng koleksiyon:

“Huwag, kaibigan, huwag tayong maging manhid
Sa tulad niyang ayaw nang tumingala sa buwan
at magpalipad ng diwang makahuhugis sa banal.
Pag nagkagayon, itinakwil na rin ang onyx na mahal.”

Advertisements