Buwan ng mga Akdang Pinoy 7: “Nakatanim na Granada ang Diyos” ni Rebecca Añonuevo

by Abner Dormiendo

20160804_065242

“Sadyang may mga sandaling lubos ang kawalang pag-iral,” sabi sa isang tula sa koleksiyong “Nakatanim na Granada ang Diyos” ni Rebecca Añonuevo. Sa sentro ng panulaan ng aklat ay ang pakiramdam ng pagkaligta, ng pag-iwan at pag-iisa, ng pangungulila ng isang tao sa kaniyang minamahal. Sa umpisa ng koleksiyon, naglalakbay ang haraya ng nangungulila sa kaniyang paligid upang mapunan itong pag-iisa ng mga talinghaga ng alaala ng minamahal. At habang nangyayari ito, nagugutom ang mga bata, nagkakagiyera sa isang dako ng bansa, at gumuguho ang anumang nalalabing katauhan sa sangkatauhan. At sa bandang dulo’y may pagdulas ang makata, hindi man komportable sa mistulang makasariling pagdaramdam, mula sa pangungulilang korporyal patungo sa pangungulilang espiritwal, kung saan “narito ang Diyos / ngunit hinahanap ng daigdig ang butas niya sa tadyang.” Sa panahong mistulang iniwanan na tayo, ano pa nga ba ang lunas sa nanghihinang pananalig kundi pananalig din? Isang sipi mula sa “Ang Maysakit”:

“Ito ang gusto kong sabihin sa iyo, panauhing lagim.
Ako at ang mga tulad kong walang malubhang
Dinaramdam ay hindi kailanman makauunawa
Sa kislap ng pangil ng humahagok niyang katawan.
Sasaliksikin ko ang bawat sulok ng paliwanag
Na kaya ng ulirat ay hindi gagabay ang mga bantas.
Ang bangis na inilukob mo sa kanya nitong huli
Ay isang gawad, dalisay na kristal na nabuo
Ng tigib niyang pag-aalay ng sarili buong buhay,
Pagpasan sa lahat ng hindi namin kayang balikatin,
Pagliligtas sa aming kay-daling sumuko,
Kay-liit ng pananalig.”

Advertisements