Buwan ng mga Akdang Pinoy 5: “Halaw” ni Faye Cura

by Abner Dormiendo

20160805_065229
Nagsasangandaan sa librong “Halaw” ni Faye Cura ang mga konsepto ng pagsasakatawan, kamatayan, at pagkababae: Ano nga ba ang saysay ng ating katawan sa mukha ng papalapit at di-maiiwasang kamatayan (“Halaw”, “Sa Paglalakad, Isang Madaling Araw sa Ilog Pasig”)? Ano ang mga danas at dusa ng pagsasakatawan ng pagkababae (“Pinto”, “Radyo Drama”)? O paanong ang pagigingbabae ay mistulang paulit-ulit na “pagkamatay” bago pa man at hanggang sa kaniyang tunay na Kamatayan (“Sirena”, “Prana”, “Adobo”)? Payak ang panulaan ngunit paham ang mga kaisipan, isinisiwalat ni Faye Cura na maaaring tanging “halaw” nga lamang—hiram, adaptasyon—ang lahat ng ating nalalaman ukol sa mga ito: mula sa mitong ipinasa sa atin hanggang sa mga tradisyong isinasabuhay nang paulit-ulit. At marahil, “halaw” lamang din ang ating munting pag-iral, at hindi natin alam kung sino ang dapat sumpain o pasalamatan. Isang sipi mula sa “Banyuhay”:

“Ngunit di ko na nakita
ang hugis-ulong iyon. Dito, wala na ang anino,
ang itim na salaming tumitiyak
na magkakarugtong pa rin ang lahat
sa akin, mula paa hanggang ulo,
matapos kong kumilos
mula sa puntong iyon hanggang sa puntong iyon.”

Advertisements