Buwan ng mga Akdang Pinoy 2: “Drone” ni Allan Popa

by Abner Dormiendo

20160801_103421.jpg

Para sa ikalawang araw ng ‪#‎BuwanNgMgaAkdangPinoy‬, itinatampok ko ang librong Drone ni Allan Popa. Sa tuwing binabalikan ko ang librong ito, makailang beses ko man na ito natapos, palaging kinakaharap ko ang likas na kasukalan ng wika—bilang pagpapahayag ng di-mabigkas (o bawal bigkasin) na karanasan, bilang pakikipagniig sa narito’t wala na/pa, bilang paglalarawan (o aproksimasyon) ng mundong nakalipas, naririto, at paparating. Ngunit higit sa lahat, kung paanong ginagamit ang wika bilang pampuno sa mga “kawalan” hindi lang ng mga nawala kundi ng mga wala pa. “The noise fills all that it hollows out,” sabi nga ng isang linya sa tulang “The Swarm”, ngunit hindi lang ito basta ingay na walang saysay. Ito ang ingay na gumagambala dahil totoo, nagpaparamdam dahil mahalaga, at bumabagabag dahil makahulugan. Aaminin kong palagi pa rin akong nawawala sa talinghagang lumiligid sa mga tula sa koleksiyon kapag binabalikan ito, ngunit sa pagkawalang ito, natatagpuan kong panibago at sariwa ang kasaysayan, ang pantaong karanasan, at—sa buod ng buod ng lahat ng panunula—ang pagiging buhay ng wika. Isang sipi mula sa tulang “We Did Not Turn Away”:

“In the weight of the gathering where something is bound

to be lifted, what is unspoken around us

begins to resemble what we thought

we heard.”

Advertisements