Buwan ng mga Akdang Pinoy 1: “Corpus” ni Carlos Piocos III.

by Abner Dormiendo

20160801_094622

Dahil buwan ng Wikang Pambansa ngayon, susubukan kong sumali sa‪ #‎BuwanNgMgaAkdangPinoy‬ ni Sir Edgar Samar. Sa loob ng 31 araw, magpapaskil ako ng larawan ng mga librong nagtatampok ng akdang Pinoy, ngunit lilimitahan ko sa mga aklat ng tula ang aking ipapaskil, pareho sa Ingles at Filipino.

*

Para sa unang araw ng #BuwanNgMgaAkdangPinoy, nais kong itampok ang librong Corpus ni Carlos Piocos III. Ilang beses ko na sigurong binasa ang aklat na ito, ngunit patuloy pa rin akong naliliyo sa ligalig ng wika habang ginagalugad ng makata ang iba’t ibang lunan ng pag-ibig—partikular na ang katawan—at kung paano ginagawang posible ng ating pagiging (katawang-)tao ang maranasan at maisatalinghaga ang iba’t ibang karanasan, mula sa sanlibutan, agham, digmaan, pananalig, pagkawala, pati sa sining. Narito rin ang isa sa mga paborito kong tula (o sequence) sa Filipino: ang ‘Guerra Cantos’. Narito ang isang sipi:

“Paano kung ito na mismong ating balat ang ating kaluluwa?
Paano kung ito na mismo ang ating Lalim,
ang ating Babaw, ang mga labas-masok
sa ating sarili sa loob ng silid ng ating mga katawan?
Paano kung ito na ang ating Kaloob-looban?
Paano mo kaya ako hahawakan?

Advertisements