Yapak sa Galera, Alwynn Javier

by Abner Dormiendo

Marami na akong eksena ng kalasingan, subalit wala pa ring tatalo sa ginawa kong pagbati sa sarili noong ipagdiwang ang ika-29 na kaarawan. Tangan ang camera phone, kinuhanan ko ng video ang sarili sa terasa ng resort habang kumakanta ng “happy birthday to me, happy birthday to me, happy birthday, happy birthday, happy birthday to me” sabay tungga ng Happy Horse kahit mapungay na ang mata.

Nahuli rin ng camera ng kaopisina ang sumunod kong ginawang pagwawala sa videoke kasama ang mga Mangyan—kung paano ko hinimay hanggang buntot ang mga kanta nina Martin at Gary V., hanggang pumiyok sa pamatay na nota ng Reachin’ Out, yung “I’m completely sure, I’ve never felt this way before.” Pagkatapos ng kahihiyan, buong pang-uuto nila akong pinalakpakan sabay kantyaw na mag-order ako ng isang case ng SanMig Light na di pa raw nila natitikman.

Kinaumagahan, naghanap ako ng masahista sa beach at nagpabugbog sa langis ng niyog, pati latik, sa buong katawan. Tahimik kong inenjoy ang pagsipat sa akin ng mga paisa-isang pa-girl na bading, o kayâ ay machong bading na di-hamak na maganda ang katawan sa akin. Naalala ko ang naghihintay kong kasintahan sa Maynila, at pinaalalahanan ang sariling tapós na ako sa paglolokó, sabay drama sa mga binuo at napabayaang plano.

Maanong magsentimyento-de-patatas ako at ipangalandakan kung paanong pagkatapos noon, tumindig ako sa ibabaw ng bato sa dulo ng dalampasigan at hubo’t hubad na nagsisigaw: “I’m the king of the world!”, “There is no God!”, “Magbabago na ako!”, at “Pakingshet kayong lahat!”? Paano kung may nakarinig sa akin? Paano kung walang nakarinig sa akin?

(mula sa Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta, Ateneo de Manila University Press)

Advertisements