Sangandaan, Mikael de Lara Co

by Abner Dormiendo

Huwag muna nating pag-usapan ang kasalanan,
huwag munang bilangin ang mga pagkukulang,
ang kaban-kabang utang natin sa mundo.

Masdan sa halip ang pagsiksik ng araw
sa sinapupunan ng isang kutsara, pakinggan,
sa likod ng kalangitan, ang paghuni

ng mga anghel. Sino ba tayo upang makaintindi?
Nagsisiwalat ng lihim ang lupa
ngunit mas hilig yata nating pumikit

at kupkupin ang sari-sarili
nating mga pagdurusa. Sakaling magsawa ka
sa pagsisisi, ibulong mo lamang ang pangalan

ng kapalaran. Sakaling hindi mo ito alam,
ipagpatuloy mo na lamang ang pagsisisi. O di kaya
umupo sa mga ugat ng nag-iisang puno

sa iyong bakuran, at humaraya: Sa isang madilim na silid
natutulog ang isang dalaga. Biniyak mo ang kanyang puso,
dati, sa isang panaginip. Maaaring hindi

mo na siya naaalala. Maaaring hindi ka na niya naaalala.
Maaaring tanghali na ngunit nakapinid pa rin ang bintana.
Kung papasok ka sa silid, makita mo kaya

ang kanyang blusang nakalambong sa gasera?
Mapabulong ka kaya, ikaw? At nasabi ko na bang
kagabi, inilapat ng dalaga ang kaniyang palad

sa aking pisngi at sinabing, Patawad,
mayroon lamang akong naalala.
Nang tanungin ko siya kung ano ito,

ngumiti lamang siya at bumulong: Wala
kang dapat ikabahala.
Narito tayo ngayon, hindi ba?

 

Advertisements