Sa Iba’t Ibang Katapusan ng Mundo, Mahal Pa Rin Kita

by Abner Dormiendo

Maaari akong mamatay bukas-makalawa.
Kung ganoon man, hayaan mo akong mahalin ka
katulad ng sa mga nagdaang panahon: walang pangamba.
Habang natutulog ka dito, may nabubuo na namang bagyo
sa malayong dako nitong karagatang Pasipiko, may biyak dito
sa lupang tinutulaan ko ngayon na nagbabadyang
maghiwalay, at ilang kilometro mula dito, humihilik
ang bulkang nagbabantang magising, at sinong nagsasabing
itong tinatawag nating tayo ay panghabang-buhay?
Pinanonood kita ngayong nahihimbing, pinalalawak ng
iyong paghinga ang iyong dibdib. Ayon sa ilang dalubhasa,
patuloy pa rin ang paglawak ng ating uniberso.
Ibig sabihin, inilalayo nito tayo sa bawat mong paghawak,
paghinga, paghaplos sa aking mukha’t paghalik nang matindi.
May ilang bilyong taon pa bago tuluyang mapagod
ang ating araw sa pagsunog sa kaniyang sarili,
at mas marami pa ang mga bituin sa langit kaysa
buhangin sa mundo na balang araw, kung hindi mamaya,
ay pupulbos sa ating katawan. At kung sa isang daigdig
na hindi dito’y totoo ang kabaliktaran ng lahat ng ito,
kung biglang tumigil ang kalawakan sa paglawak, gumuho
pabalik sa atin, sa sentro nitong ating libo-libong pagkakataong
nagtatagpo sa pagitan ng ating kuyom na mga palad, at kung doon,
paulit-ulit at paulit-ulit natin pa ring isinasadiwa itong buhay
sa iba’t ibang panahon at lugar, at kung hindi pa tayo patay
sa mga unibersong ito, ngunit katulad dito ay nagbabadya pa rin
ang kalawakan na tapusin itong moog na tinatawag nating tayo,
masunog tayo sa isang kisap-mata at lamunin
nitong milyun-milyong posibilidad ng paglaho,
pipiliin kong gastahin ang aking nalalabing panahon
sa bawat panahon sa bawat mundo nang katulad dito:
pinagmamasdan ang iyong payapang pagtulog,
di alintana ang panganib nitong huwad na mundo.

*

FB Creative Challenge prompt: kung or if. I do not know if I hit this prompt right in the eye of it (I doubt it), but if it didn’t, I hope it still struck a chord there.

Advertisements