Alay

by Abner Dormiendo

I.

Mapalad ang sangkatauhan
At may Diyos na magliligtas
Sa kanilang kahibangan.

Nang itali ni Abraham
Ang nag-iisang anak sa altar,
Nanginginig niyang hinugot
Ang kutsilyo mula sa kaloban.
Humuhulagpos ang dibdib sa gagawing hain.

Habang ang iaalay na anak,
tahimik na nakahiga sa ibabaw ng bato,
nakatingala sa ama, waring nagsasabi
Sundin ang loob mo.

II.

Sundin ang loob mo,
ang sabi ni Hesus sa kaniyang Ama,
tahimik na nagdarasal sa hardin
bago maialay bilang anak ng Diyos.

Humuhulagpos ang kaniyang dibdib
sa pagdating na pag-aalay sa sarili:
Ganoon na nga ang pag-ibig ng Diyos
na ibinigay niya ang bugtong na anak
sa kaligtasan ng sangkatauhan.

At sino ang magliligtas
sa kahibangang ang Diyos mismo
ang siyang nagpakana?

*

FB Creative Challenge prompt: alay. I found the prompt and the poem particularly interesting to write.

Advertisements