Sana

by Abner Dormiendo

Noong huli kitang nakita
Bago itong huli nating pagkikita,

Mahal pa kita. Isama mo ito
Sa mga bagay na nagbago

Sa paglipas ng panahon:
Isang maliit na kahon ng alaala

Sa ilalim ng aking kama
Mula sa mga pinagsama-sama kong

Mga sana: kuwerdas ng gitara,
Baryang sukli noong minsa’y

Nagpaligaw tayo sa Maynila,
Pilas na papel mula sa alak

Na ating ininuman ilang taon na
Ang nakaraan. Narito sila

Bilang patunay na kahit ang mga nagtago
Ay nagbabagong-anyo, di man natin

Nakikita. Tulad mo noong nagkita tayo
Nitong huli, kung paanong sinabi mo

Ilang taong makalipas na inibig kita
Ay inibig mo na rin ako.

*

Bahagi ng isang Facebook challenge na nakaligtaan ilang buwan na ang nakararaan at naalala lang ngayon. Humingi ako sa sampung kaibigan na pinagkakautangan ko ng isang katha ng salitang magsisilbing tema para sa gagawin kong tula. Heto ang isa sa kanila, gamit ang salitang “sana.” Hindi pa narerepaso kaya magaspang pa sa unang basa. Paumanhin.

Advertisements