Makalipas

by Abner Dormiendo

Marahil hindi isang tula na naman tungkol sa bagyo
ang kailangan ng mundo. Pero heto, tumutula pa rin ako.
Nais kong humingi ng tawad ngayon pa lang. Sabihin na nating

wala ako noong dumagsa ang bahang nilamon—
marahil hindi nilamon ang tamang salita. Maraming maaaring
ipanghalili. Paano ba magsasalita akong hindi nakaranas?

Paano naman makapagsasalita itong mga nakaranas?
Sabihin na nating ganito: may pamilya: dalawang lalaki,
isang babae, sanggol. Paano pagkakasyahin

ang apat na buhay sa isang tula? Paano ito gagawan
ng talinghaga nang hindi nagmimistulang
nananamantala? Kung sabihin kong kumalas

ang sanggol sa braso ng ina nang may kung anong alon
ang dumagsa sa kanila, kumalas na parang huling dahon
sa tangkay ng natutuyong akasya, nasaan ang hustisya?

Hayaan mo na, sabi ng aking gunita. Ang alin?
Na heto pa, kung kailan sinabi ng isang lalaki sa kaniyang
nakababatang kapatid na huwag kang bibitaw, saka naman

dumagsa ang isa pang alon, siya naman ang napapiglas
ng hawak sa kable. Karahasan ba kung tawagin ko itong
balintuna? Sa totoo lang, ayoko na. Ayoko nang magsalita.

Pero tignan mo, nabubuo na ang isang tula.
Isa na namang tula tungkol sa bagyong nanalasa.
Nais kong humingi ng tawad sa mga hindi ko nawika,

ngunit wala na rin akong magagawa. Nalalaglag lang
ang mga salita sa aking bibig. Animo’y dahong tuyo,
nadudurog sa pagdatal sa aking mga palad,

sinusubukan kong buuin muli, kahit sa isang tula.
Pero paanong sa tuwing kukuyumin nadudurog siya
sa kaniyang karupukan, naghahalo ang mga piraso

sa lupang binasa ng nagdaang ulan. Wala na rin akong magagawa
kundi mapabuntong-hininga, iwika sa sarili: hayaan mo na.

Advertisements