Napakaganda ng Mundo, Paolo Tiausas

by Abner Dormiendo

Totoo na kung tripleng ulit kayong magkukurus
ni Inay ng daan sa Sabadong wala ang buwan,
kayo’y bibiyayaan ng langit-langit na pera.

Nasubok ko na. Inilista ko ang mga utang
saka hinayaang bumungang buo ang perwisyo
nang magkasaysay ang napakaganda na gayuma.

Kaya ako ngayon ang nanay at ang suma total.
Hardin nitong mga kasalanan ang aking balat.
Ibinenta ko na ang natitirang kamalayan

para sa larong hindi matatapos kailanman.
Sinong nagsabi na lalakad ako kailanman
na dala ang singsing ng inay, ang mata ng itay

sa kanang bulsa ng aking maong? Ang pamasahe
patungo-pabalik-patungo sa nais kong mundo.
Itong kuwento ay walang tauhang nababaliw

kundi ako? Ilang balat pa ba ang susukatin?
Lagimlim at galit—ibig sabihin—walang halip
sa katawan kong napapagal na sa kaiisip

na bawat ruta, bagong panaginip. Ekis-ekis
sa mapa ang inilalagda sa napakatipid
na landas ng barya-baryang butil. Papuntang langit.

(Nailathala sa Heights, vol. LXII no. 1, 55.)

Advertisements