Mga Pangalan sa Pagkawala

by Abner Dormiendo

I.

Ituturo ko muli sa iyo ang kasaysayan ng pagkawala.
Huli mo siyang nakita 1979, nagpaalam sa iyo
at sa buong pamilya, hinalikan ka niya sa noo na parang
may nais ipatanda sa iyo bago siya pumuslit
palabas ng pinto, habang pigil-hininga mong hinabol
ang pagkaligta ng kaniyang anino sa dapit-hapon,
ang aninong paulit-ulit mong hahagilapin sa kung saan
hanggang sa muli mong makita ang kaniyang katawan.

II.

Natagpuan niya ang sarili niyang nakikipagtagisan
sa landas ng mga bato, matataas na damo, lamok
at kuliglig. Sa landas ng di-mapigilang ilog, kubo
sa gulugod ng liblib na bundok, mga naglalahong putok
sa dilim ng gubat, basyo ng bala, dugo sa lupa, mga pangalang
hindi maipasaling sa isip, sa bibig, palayaw na humahalili sa
nanghihinang pananalig. Palayaw na isinisigaw sa gitna ng gabi,
kapag makapal ang halumigmig at inaalab ng lagnat.
Sa tuwing ganito, isinigaw niya ang pangalan mo,
ang tanging pangalang binabalik-balikan niya.

III.

Isang umaga, dumating ang mga pulis sa inyong tahanan
at walang-pasintabing sinuyod ang kaniyang silid, itinumba
ang kama, pinaikot-ikot ang aparador, pinaghahagis
ang mga kamisetang buong ingat mong ipinlantsa’t itinupi.
Naabutan mo ang iyong hiningang nakasabit sa dulo
ng baril. Hindi ka pwedeng magpatinag. Hindi ngayon.
Sinabi mong wala siya roon. Sinabi mong hindi na muli siya
magpapakita. Pagkaalis, ipinapaniwala sa sarili
ang sa kanila’y iyong sinabi, sinasambit hanggang
makatulog kang kumbinsido, humihikbi.

IV.

Natagpuan mo siyang muli sa sulok ng isang
nagsasangang sapa: masukal na damo, basang lumot,
kimpal ng lupa, nagkumpulang bangaw,
ang alingasaw na tumatagas sa basang diyaryo.
Iyon ay 1979, at ito ay isang sapa. Ito’y isang dibdib
na tadtad ng pasa, mukhang di na mapaglagyan
ng karagdagang hiwa, kanang braso, kaliwang paa.
Sa kaso ng ibang pamilya, wala nang nakita pa,
ngunit hindi mo masasabing pinalad ka.

V.

Iyon ay 1979. Ngayon ay wala ka na roon.
Maglaon nang napagtagumpayan ang ipinaglaban,
ngunit paanong tuwing gabi, nawawala ka pa rin
sa sukal ng iyong mga panaginip, nakabitin sa labi
ang ibinigay mong mga pangalan sa pagkawala. Dito
sa laberinto ng pangungulila, ano ang iyong
tangan-tangang sinulid? Paano ka babalik
mula sa mundo ng naglalahong kasaysayan
kung ang iyong babalika’y nakaligta sa kasaysayan?
Humawak nang mahigpit sa lubid at ihigkit
sa ngalan ng libu-libong katawa’t pangalang
naglaho sa katahimikan ng ulyaning panahon.

***

Hindi tayo maaaring makalimot. #NeverForget

Advertisements