Liham sa Lungsod

by Abner Dormiendo

I.

Magandang gabi, lungsod. Nais ko lang malaman mo na naririto uli ako. Dahan-dahan ko nang inaalala muli ang nalimutang sining ng paglalakad. Simula noong kumalat ang balita ng tatlong nanakawan sa isang madilim na sulok ng iyong kalsada. Doon sa hindi pa rin naaayos na ilaw-poste. Maayos lang ako, lungsod. Ngunit hindi pa rin lumilipas ang isang gabi na hindi kumakabog ang dibdib ko sa tuwing aabutan ako ng dilim, nakabuhol sa paliku-likong daan, sa gitna ng kumakaripas na sasakyan, sa usok na lumalambong sa aking lalamunan. Hindi pa rin naaalis ang tinik sa dibdib sa tuwing sasapitin ang pagkumot ng dilim, ng pagtitig ng buwan, pagbutas ng bitwin sa alangaang dingding. Ilaw-posteng malamlam. Mga bintana sa gusaling isa-isang nagbubukas. Mga matang nakatingin sa akin. Paano nga ba, lungsod, ang magtiwala sa hindi nakikita?

II.

Ang ibig kong sabihin, lungsod, naririto uli ako. Dahan-dahan kong natutunan kung paanong maglakad nang hindi siya naaalala. Hindi ako takot sa kung ano ang maaaring mawala. Nakuha na niya ang lahat ng maaaring makuha sa akin. Nangangamba akong may balikan pa siya. Wala na akong maibibigay. Doon sa dilim, pigil-hininga kong inaabangan ang muli niyang pagpapakita. Binabantayan ang sarili bago masukol ng patalim niyang alaala. Ngunit kailangan kong umuwi, isantabi itong pangamba kahit pansamantala. Kailangan ko ng mababalikan, lungsod. Kailangan ko ng matataguan mula sa mga matang nakamanman: buwan, bitwin, tanglaw, bintanang nakatiwangwang. Kung bakit sa tuwing titingin ako sa kanila, mata niya ang aking nakikita? Paano nga ba, lungsod, ang maglakad sa iyong distrito nang hindi palaging nagnanais na mabulag?

Advertisements