Lagimlim

Nang may magawa ang mga bitwin

Month: September, 2014

Sa Antipolo Ako Unang Nakahawak ng Kamay ng Babae

Gusto kong burahin ang mga linya sa palad ko kapag naaalala ko iyong gabing iyon. Niloko ako ni Kathleen pero hindi ako galit sa kaniya. Minsan nalungkot na rin ako at naiintindihan ko siya. Kung matatandaan mo noong sinigurado kong wala ni isang pulgadang hindi nadampian ng aking labi sa buong likuran mo. Sa totoo lang gusto ko noong mangibang-bayan, sumakay sa isang jeep hanggang sa pababain ako ng tsuper sa galit, ngunit maawain ang Maykapal. Binigyan niya ako ng puso. Binigyan niya ako ng napapagod na paa. Inilayo niya sa aking katawan ang Laguna kaya hinabol ko ang Laguna. Madalas gumigising ako sa gitna ng gabing malamig ang mga daliri. Gusto kong magsimula uli. Baka gusto mong haplusin ang noo ko at sabihing sisikat ang araw mamayang alas-singko ng umaga. Gisingin mo ako kapag nangyari iyon. Gusto kong makita ang mukha mo sa liwanag.

(Unang nailathala sa Heights, vol. LXII no. 1, 51)

Napakaganda ng Mundo, Paolo Tiausas

Totoo na kung tripleng ulit kayong magkukurus
ni Inay ng daan sa Sabadong wala ang buwan,
kayo’y bibiyayaan ng langit-langit na pera.

Nasubok ko na. Inilista ko ang mga utang
saka hinayaang bumungang buo ang perwisyo
nang magkasaysay ang napakaganda na gayuma.

Kaya ako ngayon ang nanay at ang suma total.
Hardin nitong mga kasalanan ang aking balat.
Ibinenta ko na ang natitirang kamalayan

para sa larong hindi matatapos kailanman.
Sinong nagsabi na lalakad ako kailanman
na dala ang singsing ng inay, ang mata ng itay

sa kanang bulsa ng aking maong? Ang pamasahe
patungo-pabalik-patungo sa nais kong mundo.
Itong kuwento ay walang tauhang nababaliw

kundi ako? Ilang balat pa ba ang susukatin?
Lagimlim at galit—ibig sabihin—walang halip
sa katawan kong napapagal na sa kaiisip

na bawat ruta, bagong panaginip. Ekis-ekis
sa mapa ang inilalagda sa napakatipid
na landas ng barya-baryang butil. Papuntang langit.

(Nailathala sa Heights, vol. LXII no. 1, 55.)

Mga Pangalan sa Pagkawala

I.

Ituturo ko muli sa iyo ang kasaysayan ng pagkawala.
Huli mo siyang nakita 1979, nagpaalam sa iyo
at sa buong pamilya, hinalikan ka niya sa noo na parang
may nais ipatanda sa iyo bago siya pumuslit
palabas ng pinto, habang pigil-hininga mong hinabol
ang pagkaligta ng kaniyang anino sa dapit-hapon,
ang aninong paulit-ulit mong hahagilapin sa kung saan
hanggang sa muli mong makita ang kaniyang katawan.

II.

Natagpuan niya ang sarili niyang nakikipagtagisan
sa landas ng mga bato, matataas na damo, lamok
at kuliglig. Sa landas ng di-mapigilang ilog, kubo
sa gulugod ng liblib na bundok, mga naglalahong putok
sa dilim ng gubat, basyo ng bala, dugo sa lupa, mga pangalang
hindi maipasaling sa isip, sa bibig, palayaw na humahalili sa
nanghihinang pananalig. Palayaw na isinisigaw sa gitna ng gabi,
kapag makapal ang halumigmig at inaalab ng lagnat.
Sa tuwing ganito, isinigaw niya ang pangalan mo,
ang tanging pangalang binabalik-balikan niya.

III.

Isang umaga, dumating ang mga pulis sa inyong tahanan
at walang-pasintabing sinuyod ang kaniyang silid, itinumba
ang kama, pinaikot-ikot ang aparador, pinaghahagis
ang mga kamisetang buong ingat mong ipinlantsa’t itinupi.
Naabutan mo ang iyong hiningang nakasabit sa dulo
ng baril. Hindi ka pwedeng magpatinag. Hindi ngayon.
Sinabi mong wala siya roon. Sinabi mong hindi na muli siya
magpapakita. Pagkaalis, ipinapaniwala sa sarili
ang sa kanila’y iyong sinabi, sinasambit hanggang
makatulog kang kumbinsido, humihikbi.

IV.

Natagpuan mo siyang muli sa sulok ng isang
nagsasangang sapa: masukal na damo, basang lumot,
kimpal ng lupa, nagkumpulang bangaw,
ang alingasaw na tumatagas sa basang diyaryo.
Iyon ay 1979, at ito ay isang sapa. Ito’y isang dibdib
na tadtad ng pasa, mukhang di na mapaglagyan
ng karagdagang hiwa, kanang braso, kaliwang paa.
Sa kaso ng ibang pamilya, wala nang nakita pa,
ngunit hindi mo masasabing pinalad ka.

V.

Iyon ay 1979. Ngayon ay wala ka na roon.
Maglaon nang napagtagumpayan ang ipinaglaban,
ngunit paanong tuwing gabi, nawawala ka pa rin
sa sukal ng iyong mga panaginip, nakabitin sa labi
ang ibinigay mong mga pangalan sa pagkawala. Dito
sa laberinto ng pangungulila, ano ang iyong
tangan-tangang sinulid? Paano ka babalik
mula sa mundo ng naglalahong kasaysayan
kung ang iyong babalika’y nakaligta sa kasaysayan?
Humawak nang mahigpit sa lubid at ihigkit
sa ngalan ng libu-libong katawa’t pangalang
naglaho sa katahimikan ng ulyaning panahon.

***

Hindi tayo maaaring makalimot. #NeverForget

Liham sa Lungsod

I.

Magandang gabi, lungsod. Nais ko lang malaman mo na naririto uli ako. Dahan-dahan ko nang inaalala muli ang nalimutang sining ng paglalakad. Simula noong kumalat ang balita ng tatlong nanakawan sa isang madilim na sulok ng iyong kalsada. Doon sa hindi pa rin naaayos na ilaw-poste. Maayos lang ako, lungsod. Ngunit hindi pa rin lumilipas ang isang gabi na hindi kumakabog ang dibdib ko sa tuwing aabutan ako ng dilim, nakabuhol sa paliku-likong daan, sa gitna ng kumakaripas na sasakyan, sa usok na lumalambong sa aking lalamunan. Hindi pa rin naaalis ang tinik sa dibdib sa tuwing sasapitin ang pagkumot ng dilim, ng pagtitig ng buwan, pagbutas ng bitwin sa alangaang dingding. Ilaw-posteng malamlam. Mga bintana sa gusaling isa-isang nagbubukas. Mga matang nakatingin sa akin. Paano nga ba, lungsod, ang magtiwala sa hindi nakikita?

II.

Ang ibig kong sabihin, lungsod, naririto uli ako. Dahan-dahan kong natutunan kung paanong maglakad nang hindi siya naaalala. Hindi ako takot sa kung ano ang maaaring mawala. Nakuha na niya ang lahat ng maaaring makuha sa akin. Nangangamba akong may balikan pa siya. Wala na akong maibibigay. Doon sa dilim, pigil-hininga kong inaabangan ang muli niyang pagpapakita. Binabantayan ang sarili bago masukol ng patalim niyang alaala. Ngunit kailangan kong umuwi, isantabi itong pangamba kahit pansamantala. Kailangan ko ng mababalikan, lungsod. Kailangan ko ng matataguan mula sa mga matang nakamanman: buwan, bitwin, tanglaw, bintanang nakatiwangwang. Kung bakit sa tuwing titingin ako sa kanila, mata niya ang aking nakikita? Paano nga ba, lungsod, ang maglakad sa iyong distrito nang hindi palaging nagnanais na mabulag?

The Oregon Trail goes to prom, Gregory Sherl

This is how you undress: quickly, without
heart. This is how you love: a slight
exaggeration of yourself. This morning we forded
the Kansas River, watched the water curl under
our toes. We were safe, even for just a moment,
inside ourselves. Now inside you, I am.
After we touch for the first time, I am cordial
with your wrists. I enunciate against your
ribs. When I whisper desert I mean dessert,
I mean Understand I am overwhelmed
by everything you didn’t say. Catch the lost
moments in the back of this wagon.
When you’re not in the room, I am slowly
waiting to stop waiting slowly. In nine months
we’ll be nine months older, our family fuller,
but right now you look so good in that dress,
your eyes are my heart’s entire discography.
Basically I love you the most. What I mean
is Come hold me, I’m your softest fur.