Pagtakbo sa Liwanag

by Abner Dormiendo

I.

Matagal na simula noong nawala ka.
Matagal na simula noong huling beses
na lumabas ako ng silid na ito.
Mamayang gabi, matutulog na naman ako
nang mahimbing, ngunit nawawala pa rin ako
sa ginawa nating lungsod. Nilalakad ng aking haraya
sa tuwing hindi ako matulog. Nililingon ko
ang bawat bintana, tumitingin sa salamin
ng aking pangungulila, umaasang makita ka
sa kabilang dako, ngunit walang sumasalubong
kundi ang sarili kong mukha.

II.

Noong hapong iyon, pinanood kita sa kalsada
habang unti-unti kang nilalamon ng abot-tanaw.
Patawad kung hindi kita nahabol.

III.

Maraming bagay ang mas mabilis
kaysa sa aking pagtakbo. Nakatingin ako ngayon
sa orasan sa aking kwarto, nakadantay ang kamay
sa dibdib, kinakapa ang marahang pagtibok
ng aking puso, at kung paanong sumasalimbay
ang lahat ng bagay sa silid na ito, kasimbagal
ng alikabok na nag-aalimpuyo
sa liwanag ng araw.

IV.

Noong hapong iyon, napakabagal ng lahat:
ang buhok mong nilalaro ng hangin,
ang paglubog ng araw mula sa malayo,
ang pagpintig ng pulso ko habang dahan-dahang
dumadatal sa aking isip ang katotohanang
hindi ka na babalik.

V.

Maraming bagay ang mas mabilis
kaysa sa iyong paglisan. Hindi ang aking pagtakbo.
Hindi ang mga salitang hindi ko nasabi sa iyo.
Ngunit ngayon, kasimbilis ng liwanag,
bumabalik ang gunita ng hapong iyon,
dahan-dahang tinatanglawan
itong mga gusaling nilalakbay ko
sa tuwing ginagambala ako ng alaala mo.

VI.

Matagal na simula noong mawala ka
ngunit kung marinig mo ito ngayon,
nais kong malaman mo na tuwing gabi
tinatakbo ko ang mga kalsada nitong lungsod
ng aking pagkahapo, pinapakinggan
ang pagkalabog ng aking paa sa konkreto,
hinahanap ang landas na magdadala sa akin
patungo sa iyo. Patawad kung hindi kita nahabol.
Sadyang maraming bagay na mas mabagal
kaysa sa iyong pamamaalam.

***

Day 30: Write a farewell poem.

I always love farewell poems that are more of the unrequited farewells of sorts. Because I’ve not yet been in that situation. At least not that I know of.

And I always know that at the end of everything, language will always be not enough, and the best of things cannot be expressed in words.

(Yes, that was a fitting end for NaPoWriMo 2014! So glad I get to write 30 poems in 30 days—and even more, because I also finished a collection! April is the cruelest month, indeed.)

Advertisements