Capiz, 1995

by Abner Dormiendo

Nasusugatan ang hangin nang hindi sinasadya. Nanlilimahid ang buwan ngayong gabi. Lumalagok mula sa maliwanag na mukha ng maruming sapa. Pinakakawalan ng gutom ang kaluluwa; ipinapako ng takot ang katawan. Paalala: Huwag masyadong mahalina sa tawag ng laman. Metalikong lansang pumupunit sa alangaang. Hiyaw sa parang na hindi malaman kung sa tao o halimaw—hudyat ng hatinggabi: hudyat ng pagtakbo: hudyat ng pagtatago: kalabog ng paa sa lupang basa, lagaslas ng graba, lagapak ng goma sa sementadong kalsada. Sabay-sabay, ang pagsara ng pinto. Sabay-sabay, iwinawasiwas ng mga ama ang kanilang gulok sa ere, pinapakinang sa buwan, animo’y binabantaan na huwag hawakan ng liwanag ang katawan ng kabiyak. Sumagot ang gabi ng kapwa nitong banta: pagaspas ng dahon ng niyog, sagitsit ng lampara, kaluskos ng kuliglig sa kawayan. Walang pangako ng kaginhawaan ang gabi sa nag-aabang. 

***

Day 17: Write anything that involves three senses. I used primarily hearing here but I tried integrating smell and sight. Also, this is a part of a much bigger project I am currently working on. I’m not too confident with this poem yet, but here it is.

Advertisements