May Dinadala

by Abner Dormiendo

“Kayraming balakid sa paglimot: Dalawang talukap,
kalahating kabang langib, isang tabong dugo.”

—    Liham, Mikael de Lara Co

 

Hindi lang ito ang dinadala ko: isang
rolyo ng balat, sandakot na buhok,
sampung piraso ng mala-kandilang
daliri. Inaalala kita, mahal. Isang dila,
dalawang labi, dalawang hilera
ng ngipin. Limang buslo ng mga buto
mula sa iba’t ibang bahagi ng katawan mo,
lima pang buslo para sa katawan ko.
Sunong ko sa balikat ang lahat
ng iniwan mo. Sa totoo, wala kang iniwan
kundi ang anino mo. Nakabitin pa rin ang
huling hininga mo sa silid ng pamamaalam.
Tuwing umaga, paanong isinasampay ko
ang bawat bahagi mo sa alambre ng aking
terasa, pinasusunog sa araw hanggang
lamunin ng liwanag sa wakas itong
huling alaalang hindi pa rin lumilisan
sa aking katawan. Hindi lang ito
ang dinadala ko. Hindi lang katawan ko.
Kundi ang bakas ng katawan mo dito:
isang rolyo ng balat, sandakot na buhok,
sampung piraso ng mala-kandilang daliri.
Ilang nagnanaknak na sugat mula sa iyo
na hinihipan ng aking bawat buntong-hininga,
umaasa pa rin sa lubusang paghilom.

***

Day 3’s prompt was to write a charm, and to be honest it was something I did not ultimately wanted to do (AKA: I don’t get it/I don’t want to understand how to do it). This was the best I can attempt to do with the prompt given, and I tried retaining that “ingredient” part of the poem. I don’t know, actually. Hahahaha.

This was based from a line from one of the few poems Mikael De Lara Co wrote in Filipino. By virtue of the epigraph, I wrote it in Filipino.

PS: I apologize for submitting this late. I had a hard time reconciling the prompt with my stubbornness to not do the prompt.

Advertisements