Recuerdo

by Abner Dormiendo

Walang naiiwan sa dalampasigan
Na hindi nadudurog o nahuhugasan.
Noong huli nating tagpo, naghagis ka

Ng isang bato. Kung marahas ang mga alon,
Banayad ang alaala. Ngunit hindi lang bato
Ang binabaklas ng panahon. Sa bawat

Paghampas ng alat sa nanunuyo kong balat,
Tinatangay ng kanilang pag-inog ang aking
Bawat pag-asa, hinahatak pababa patungo

Sa pusod, kapiling ng mga korales, durog
Na kahoy, agnas na mga isda, basag na kabibe.
At mistulang paglalamay ang bawat paglalakbay

Sa dalampasigan, tinatanong ang bawat bato
Kung nagtagpo na ba sila ng kamay mo?
Kung ito ba ang naihagis minsan nitong

Mga daliri mo? At kung sakaling matagpuan ko
Ang inihagis mo noon sa piling nitong
Napakarami pang buhangin at bato, baka

Maaari ko siyang makausap, humingi ng simpatiya
Sa mga bagay na kagyat lang nabubuhay
Sa paghipo ng mga daliri, umaalpas sa paglipas

Ng panahon. Isang baybay ang iyong gunita
At ako lamang ay isang alon.

Advertisements