Pagsasara ng mga Pinto

by Abner Dormiendo

Kung sa di kalayuan, kuwento ko sa iyo
Habang nakaupo ka sa tapat ko, may kalabog
Sa likod mo, na nanggagaling mismo
Sa isang sirang pinto, may pagkakataong
Hindi mo matantiya kung ito ba’y nagsara
O hudyat ng pagbukas. Sabi mo, oo,
Na parang humihingi ng patawad,
At puminid ang iyong labi sa isang ngiti
Na parang may itinatagong kabog
Sa nangangatal nitong mga hamba.
Kung iyon ba’y pagbukas o pagsara
Ng isang silid ng di malirip na pangamba
Ay di ko na malalaman pa.

Advertisements