Pagtila

by Abner Dormiendo

Patlang ang siyudad ngayong umaga:
Hindi pa sinisikatan ng araw
Ang bintanang basa at nakadungaw.
Tahimik pa rin ang pagsingaw ng init
Mula sa inihahandang kape.
Nakausog pa rin ang mga kumot
Sa katawang nakahimlay pa
Sa kani-kanilang mga kama.
Ipagpapaliban ang kung anuman
Ang naantala dahil sa pag-ulan.

Samantala, binabayo ng bagyo
Ang maliit na baryo. Ang mga tao,
Iniaakyat ang mga kagamitan
At mga panalangin sa kung sino man
Ang nakikinig. At ang hindi mabuhat,
Hayaan na lang masira sa baha
O matangay palayo sa kanila:
Telebisyon, refrigerator, kama.
Nakikisabay ang kanilang pag-iyak
Sa paglagapak ng ulan sa bubungang-lata.

Pagtila, tahimik pa rin ang siyudad
Bagaman pinupunan ng pag-ulan
Ang nananahimik nitong patlang.
Bumalik sa pagkakatulog
Ang nabulabog ng akalang may pasok.

At sa isang eskwelahang putikan
Tahimik ang mga magkakamag-anak
Sa pagkilatis ng mga katawang
Nanlalamig, nakahimlay, nakatalukbong
Ng kumot. Waring natutulog.

Advertisements