Liham Bago Ka Lumisan

by Abner Dormiendo

Tahimik kitang pinagmamasdan
habang tahimik kang nagsasamsam
ng iyong mga kagamitan. Sa aking isip 

marahan din akong nagliligpit.
Masinsin kong itinutupi ang mga alaala
at isinisilid sa aking gunita. Iniingatan kong 

hindi sila malukot sa kanilang pagkakatiklop
habang ibinabaon ko sila sa limot.
Marahan kong binabalot 

ng katahimikan ang mga salitang
hindi ko mabitiwan, maski ngayong
ikaw ay lilisan. Baka balang araw

kung magkikita tayong muli, mahanap na
sa wakas ang lakas ng loob upang ipabaon sila
sa iyo. Ngunit paalis na ang sasakyang

maghahatid sa iyo palayo. Sa ngayon, ibalabal mo
itong aking titig, isuot mo ang aking panalangin,
bitbitin ang aking habilin. Mag-ingat ka

sa iyong lalakbayin. Sa wakas, isang kaway na lamang
ang nagdudugtong sa distansya nating
hindi ko na mabalangkas. At ako ay naiwan

sa isang tabi, taimtim na inililigtas
ang pag-ibig na hindi mabigkas.

(Unang nailathala ang tula sa Heights, vol. LX no. 3, 15)

Advertisements