Elehiya

by Abner Dormiendo

Natuto akong umusad. Hindi ito ang mga bagay
Na magpapaalala sa akin sa iyo, kung pipipliin kong
Huwag itatak ang pangalan mo sa anumang
Hinuhubog ng kung anong liwanag. Anino lang
Ang huling alaala. Ito pa rin ang lungsod
At hindi ito aalis. Madilim pa rin ang ilog
Sa kakahuyan. Bughaw pa rin
Ang bughaw ng langit. Ang puno ay mananatiling
Puno. Ang pinto ay mananatiling pinto,
Ikaw man ang huling lumabas dito. Wala na
Ang anino mo ng dapithapong iyon. Nabasag na rin
Ang katahimikang bumusal sa ating lalamunan.
Salita lang ang salita. Walang bigat ang ‘Paalam’
Kung pipiliin kong huwag itong ipanangan
Sa likod ng aking dila. Kung dito ako uupo
Kung saan tayo umuupo dati, doon pa rin
Tatama ang anino ng akasya. Dito pa rin
Ang mga tangkay. Doon pa rin ang mga panalangin,
Nakasulat sa mga nilamukos na liham
Sa ilalim ng aking kama. Nais kong magsimula uli.
Kinalimutan ko na ang dapat kalimutan.
Walang bagay na nananatili. Napapaknit
Kahit ang gunita. Gagalaw pa rin ang ulap sa langit
Bumalik ka man o hindi.

Advertisements