Kumpisal

by Abner Dormiendo

Gasgas na kung sasabihin kong
umiiyak na naman ang langit
pero di maitatago ng lagapak ng ulan
sa bubungang-bakal ng iyong Innova
ang panginginig ng iyong tinig
nang aminin mo sa aking
gusto mo na siyang umuwi;

gusto nang umuwi ng tatay mo
dahil pagod na siyang makipagsapalaran
sa ibayong dagat.

Gusto ko sanang sabihin sa iyo na titila rin ang bagyo,
na lahat ng tubig ay babalik sa pusod
ng pinanggalingang karagatan
ngunit buong araw nang walang-patid
ang pagbuhos ng ulan
at hindi ko maipapangako sa iyo
ang paghupa ng unos bukas.

Nangingilid na ang tubig-baha sa mga gutter ng kalsada.
Nangingintab sa liwanag ng poste ng ilaw ang bawat patak ng luha
na dumadausdos sa pisngi ng iyong side mirror.
Umuungol na ang makina ng kotse,
parang gusto nang mamahinga.

Akala mo siguro ay di ko napapansin ang ganitong mga bagay:
na hindi ka lang basta nagmamaneho,
na nagdaramdam pati ang kotse mo

na punasan mo man ng wiper ang basang windshield ng kotse mo
ay malabo pa rin ang ating hinaharap
pero wala tayong magagawa kundi ang lumusong,
ang lumusong nang tayo’y makaahon.

Napabuntong-hininga na lang tayong dalawa,
at namuo ang ating ibinugang hininga sa bintana
na agad namang nalusaw sa lamig nitong pag-ulan. 

Sa ngayon, ligtas tayo.
Sa ngayon, ligtas tayo.

 –          kay Mike

***

(Unang nailathala ang tula sa Heights, vol. LX no. 2, 97-98)

Advertisements