Kay Em… na Malamang sa Hindi ay Hindi Mo Kilalang Ikaw Iyon (at Mas Malamang-lamang ay Hindi Mo Ito Mababasa)

by Abner Dormiendo

Pasensya na, hah? Wala talaga akong alam sa mga ganitong bagay.

Paano ko ba sisimulang sabihin sa’yo ito? Walang nagturo sa akin nang kahit ano tungkol dito. Hindi itinuro sa’kin ng mga kantang pinapakinggan ko kung paano ‘to. Walang nasabi si Ely o si David. O kahit sa mga pelikula lang. Pati mga librong nabasa ko, wala. Wala akong nakita. Walang nagsabi sa akin kung paano ko ito gagawin. Kahit magulang ko, mga kaibigan ko. Dyahe naman magtanong. Wala talaga. Ngayon ko lang ‘to gagawin.

Pagbigyan mo na ako kung magiging magulo ako ngayon.

Ano ba? Paano ko ba sasabihin? Ah… eh… alam mo ba…

Matagal ko na kasi – este, medyo ngayon lang, hindi naman noong isang taon pa, pero mga tatlong buwan na rin – matagal na ba ‘yun? Ah…

Basta… kasi lagi kitang naiisip eh. Kahit saan, ikaw iniisip ko – hindi naman sa banyo, huwag mong isiping iniisip kita doon. Hindi, basta, parang… ganun.

Medyo matagal na kitang iniisip lagi kahit saan- ah… matagal na kitang medyo iniisip sa kahit saan lagi – I mean, kahit saan, lagi kitang iniisip, medyo matagal na iyon. ‘Yun. ‘Yun ‘ata ‘yun. ‘Ata…

Kasi… ano eh… di ko rin alam. Paano ba ‘to?

Pasensya na talaga ha?

Kasi ako eh – este, ikaw pala. O ako ba ‘yun? Hindi ko talaga alam kung sino ‘yung may sala. Ako ‘ata.

Ang gusto ko lang naman sabihin… ah… ang gusto kong gawin… este, ang gusto ko lang naman kasi… ano uli ‘yun? Ang gusto kong mangyari… I mean, ang gusto ko kasi…

Ikaw.

——–

NOTE: mula sa luma kong Filipino blog.

Advertisements