Ang Natutunan Ko Sa Buwan Tungkol Sa Pag-usad

by Abner Dormiendo

Mula sa ating kinauupuan
nakikipaghabulan
ang mga poste ng ilaw
mga kawad ng kuryente
ang mga anino ng puno
at napag-iiwanan —

gumagalaw ang lahat
mula sa loob

liban sa akin at sa buwan.

*

Alam mo ba kung bakit hindi gumagalaw ang buwan kahit gaano pa tayo umusad? Kapag malayo ang isang bagay, kahit saan ka lumiko, lumayo, tumakas, susundan ka nito na parang isang anino.

*

Pagod na akong makipaghabulan
sa mga bagay na nagpapaiwan
at tumakas sa mga bagay
na hindi ko maiwan-iwan.

Dito sa sasakyan, ikaw at ako —
planeta at buwan, kapwa
hindi kumikilos, parehong
napag-iiwanan.

*

Napakarami pa pala nating hindi natatakasan.
Nag-iiwan pala lahat ng anino. Kahit ang buwan.

*

Pinilit kong hawakan ang mga kamay mo
at pumiglas ang iyong mga daliri sa kambiyo.

Napakalapit mo ngunit napakalayo mo pa rin.
Napakalayo mo pa rin. Napakalayo mo pa rin.

Advertisements