Pieta (Allan Popa)

by Abner Dormiendo

Ang paggilit ng talim sa banát.

Ang paglagot sa lumagot ng hininga.

Ang pagluluwag ng liko-likong
himaymay ng tirintas—paghihiwalay,
pagtatagpo, paghihiwalay—
pagninisnis sa ilap ng hindi makamtan.

Sa kisame, ang kurdon
ng ulilang hiningang nakabitin:
pendulong iniuugoy
ng naghihingalong pilik ng huling piglas.

Sa kandungan ng ina,
ang nalalabi sa anak.

Iisang tarangkahan.

Sa puwerta ng pagsilang,
ang pasyang mapahiwalay,
ang pagpatid sa pusod,
ang ginhawa sa iyak ng pagkalunod.

Iisang pagtawid.

Muli, sa bungad ng hagkis,
ang pagkuwintas sa balak na inilubid,
ang hatak sa bigat ng patihulog,
ang higpit sa gapos ng hulagpos.

O buhol na hindi kailanman makakalas.

Advertisements