Minsan

by Abner Dormiendo

Sinabi mo na minsan
nalulunod ka sa kulay
at ingay ng lungsod.

Kailangan mong tumunghay
mula sa dagat ng gulo,
tumakas sa mga paliko-likong distrito

na lumilingkis sa paanan ng mga gusali
dahil ninanakaw nila
ang kung ano ang nalalabi

sa sariwang hangin.
Gusto mong lumayo
sa nakaririnding ingay

ng mga humaharabas na sasakyan
at mga stereo na umuuga
sa lupang kinatatayuan mo

dahil mismong isip mo’y
di mo na rin marinig.
Gusto mong magpakalayo minsan,

sabi mo — kahit minsan lang.
At minsang lumayo ka nga,
isinama mo ako. Isinama mo ako

minsan sa pagtakas mo. Ibinulong mo
na minsan ang gusto mo lang
ay ang malunod sa kadiliman ng mabitwing langit

at ang matulog sa saliw
ng humuhuning mga kuliglig.
Ang gusto mo lang ay ang malunod

sa init ng wala. At niyakap mo ako minsan
dahil wala lang. Minsan
ginagawa natin ang mga ganitong bagay

dahil wala lang:
isang simpleng yakap lang.
Sabi mo kasi, minsan,

ang pinakasimpleng bagay
ang pinakamaganda sa lahat.
Minsan nahanap ko iyon sa piling mo

noong simpleng niyakap mo ako
at sinabi mong ipikit ko na lang
ang aking mga mata.

Wala akong nakita kundi
ang dilim sa likod ng aking talukap;
wala akong narinig

kundi ang puso nating nagsasalimbayan
sa pagpintig.
Ngunit minsan,

ang dilim ang pinakamakulay,
ang katahimikan ang pinakamaingay,
at ang mahulog

sa yakap ng pinakamamahal mo
ang pinakamagandang bagay sa mundo.
At iyong gabing iyon,

malayo sa siyudad,
ang pinakamagandang bagay
sa mundo noon.

Minahal ko iyon,
ang yakap mo.
Minahal ko iyon minsan.

Minahal kita minsan.

Advertisements