Pagsamba

by Abner Dormiendo

Hindi ko alam kung papaano ngunit marunong umibig ang ating mga kalamnang yumayakap sa buto. Hindi man sa dugo dumadaloy ang ligaya, ngunit hatiin mo ako at tatagas ang kung ano ang nararamdaman ko sa tuwing darampi ang mga daliri ko sa iyong buhok: sinusukat, sinisiyasat ang bawat hibla, pinag-aaralan na animo’y isa kang artepakto. Ano ka lang ba kundi isang produkto ng siyensiya? Isang pagmumultiplika ng mga selyula na hinubog ng mile-milenyang pagkakamali’t tagumpay ng kalikasan, isang pagsasanib ng lupa’t kalawakan. Ikaw ang konstelasyon ng bilyun-bilyong molekyula’t atomo at ako’y nagigimbal sa pagtunghay sa iyo dahil sino ang mag-aakalang ang humihingang testimoniya ng karilagan sa aking harapa’y binubuo lamang ng mga abo mula sa matagal nang yumaong mga tala? Walang pinagkaiba ang mga atomo sa iyong balat sa mga bitwin sa langit. Walang maniniwala na ikaw, ako, at ang uniberso’y iisa lang. Ngunit ito ang kagandahan ng pag-ibig: ang makita ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap sa iisang katawan; ang mamangha sa rikit at misteryo ng kalikasan; ang maramdaman nang hindi napaliliwanagan na bagama’y hindi posible ay may pag-ibig na umuukit at yumayanig sa ating kaluluwa’t katawan; ang maniwala sa wala; ang mawala sa paniniwala; ang makibahagi sa kababalaghan ng kamunduhan nang masaksihan natin sa ating mga laman ang walang-hanggan.

Advertisements