Nang Bumagsak Ka Sa Dagat

by Abner Dormiendo

Hindi ko maarok ang lalim ng dagat
na humigop sa iyo pababa sa kaniyang
madilim at malamig na sinapupunan,

ngunit mula sa malayo, nakikita kita:
ang mga mata mong pinipilit dumilat
sa alat; ang damit mong kumakapit sa balat,

ang balat sa buto, ang buto sa kaluluwa,
ang kaluluwa sa bawat hininga, malamig at basa,
sinusubukang iproseso ng iyong mga nanghihina nang baga;

ang panlalaban ng iyong mga paa sa agos
na humahaltak sa iyong mga lupasay nang kamay.
Nais ko silang hawakan, hatakin ka pabalik sa lupa,

pabalik sa bayang mas kinakailangan ka
kaysa sa pangangailangan sa iyo ng dagat
kung di man humihinga sa iyong pagtunghay

masilayan lang namin ang iyong katawan
bilang tanda ng iyong dakilang buhay,
kahit bilang na lamang isang bangkay.

– Para kay Jesse Robredo (1958-2012)

Advertisements